Krisis sa Pagkain

0
950

“Huwag mo naman i-discriminate kaming mga Bisaya na kumakain ng mais bilang pan-saing”. Yan naman ang bungad sa akin ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa aking panayam sa kanya sa Radyo Na! TVPa! Program sa DZBB at GMA News TV nuong nakaraang linggo.

Agad kong nilinaw sa butihing kalihim na hindi ko dini-discriminate ang mga Bisaya. Ang sinasabi ko lang ay ganito: Para i-alok mo ang “corn-rice” bilang alternatibo dahil mahal ang presyo ng bigas ay pagpapatunay lamang na hindi kayang gawan ng Department of Agriculture ng remedyo ang mataas na presyo ng bigas sa merkado. Pambihira naman Ginoong Kalihim. Tinangka mo pa akong pasamain ni sa mata ng mga Bisaya at mga kumakain ng rice corn para pagtakpan ang inyong pagkukulang.

Kesyo marami daw nutritional value ang mais kumpara sa bigas. Low glycemic index daw ang mais kumpara sa bigas na mataas sa sugar, mas maganda para mga diabetic, fibrous daw ito kumpara sa bigas na mahirap tunawin etc.

Maaaring tama naman siya sa nutritional value ng mais. Pero paano naman kaming mga sanay kumain ng bigas? Dahil ba sa mas mataas at hindi nila kayang gawan ng paraan ang sobrang kamahalan nito, titiisin na lamang namin ang pagkain ng mais? Hindi ba pagpapakita lamang yan ng tunay na estado ng food security sa ating bansa?

Ang katotohanan ay ganito, ang presyo ng bigas, isda, manok, baboy ay lubhang tumaas na. Sa katunayan, ang sektor ng agrikultura ang siyang sinisisi ng mga Economic Managers ng Duterte administration kung bakit tumaas ang inflation. Sa kabila ng importasyon ng bigas ng NFA na layung pababain ang presyo ng commercial rice sa merkado, hindi man lamang nito naistabilize ang presyo bagkus patuloy ang pagtaas nito.

Buong pagmamalaki pa ni Piñol, “The farmers never had it any better than today”. Sila daw kasi ang nakikinabang sa taas presyo nito. At the expense of the millions of Filipino consumers at large? Yan ba ang pinakamagaling mong performance bilang kalihim ng DA? Pangulong Duterte, mukhang kelangan niyo ng palitan ang mga bataan ninyo sa DA at maglagay ng mga kompetenteng tao sa departamentong yan.

Kailangan natin ng kompetenteng mga tao para resolbahin ang seryosong probleman ng krisis sa pagkain. Masyadong naging abala ang administrasyong ito sa pagtutok sa problema ng iligal na droga, nakalimutan nilang tugunan ang dahilan kung bakit ang tao ay bumabaling sa krimen: ANG GUTOM!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here