Huwag ho kayo magkakamali, pero ako ay kakampi ng war on drugs ng Pangulong Duterte. Nakikiisa po tayo sa adhikaing matuldukan ang problema ng iligal na droga sa bansa at matupad ng Pangulo ang kanyang pangako sa sambayanan na tatapusin niya maliligayang araw ng mga taong sumisira sa kinabukasan ng bayan.
Suportado natin ito kasabay ng patuloy nating pangangalaga sa rule of law. Pangangalaga sa proseso ng pag-aresto at pagpapakulong sa mga nagkasala. Yan ay marapat na sinusunod ng lahat ng mga tagapagpatupad ng batas. Kaya ang bill of rights ay pangatlong artikulo sa saligang batas dahil mahalagang mapangalagaan ang karapatan ng bawat mamamayan sa pang aabuso ng mga ahente ng estado.
Ang mga abogadong sina Romulo Alarkon, Jan Vincent Soliven and Lenie Rocha ay inaresto, kasama ng kanilang kliyente, may ari ng Time Bar sa Makati. Ang kasong kanilang kinaharap? Obstruction of justice at constructive possession of illegal drugs dahil anduon sila sa lugar na hinihinalang pugad ng party drugs.
Bago sila arestuhin, ang tatlong abogado ay tinawagan ng may ari ng Time Bar matapos itong salakayin ng mga ahente ng Makati Anti-Drug Enforcement Unit. Sila’y nagpunta sa lugar, hiningi ang kopya ng search warrant at sinubaybayan ang ginawang paghahalughog sa lugar ng pulis. At dahil duon, silay kinasuhan. Ikanga ni Senador Koko Pimentel, kung ano ang kaso ng kliyente, ganundin ang kasong isinampa sa kanyang mga abogado. Masyado atang baluktot ang katwirang ito, dagdag pa ni Pimentel.
Hindi makatwiran ang pag arestong ito. Lumalala ang kultura ng kawalang pananagutan sa Philippine National Police, ikanga ni Senador Frank Drilon.
Para po sa kapakanan ng mga hindi nakakaalam. Ang mga taong pinagbibintangan ay meron karapatan, sa ilalim ng batas para hindi maabuso ang kanyang mga karapatan sa proseso. Ang pulis ay hindi pwedeng maghalughog ng pag aari ng isang indibidwal ng walang utos ang hukuman. Meron din karapatan ang isang tao sa tagapagtanggol o abogado para matiyak na ang kanyang mga karapatan ay napapangalagaan. Ang mga abogado ay itinuturing na mga opisyales ng hukuman. Yan ay kaakibat ng pagpasa mo sa bar. Ngayon, kung ang mga opisyales ng hukuman ay hindi ginagalang ng mga tagapagpatupad ng batas, ano ang aasahang paggalang sa ating kapulisan ng mga ordinaryong mamamayan? Aber?
Dapat silipin ng pamunuan ng PNP kung merong pagmamalabis sa naging operasyon ng kanilang mga tauhan. This should not be tolerated. Pero kanina lamang, binigyan ng pagkilala ang mga operatiba ng Makati Anti-Drug Enforcement Unit ng pamunuan ng Philippine National Police. Narinig pa ngang sinabi ni PNP Chief Albayalde, “O baka binigyan ninyo ng special treatment ang mga abugadong hinuli ninyo?”Ayos hepe. Kuha na po namin ang mensahe. Mauulit at mauulit ang pangaabusong ito…