By Joel Reyes Zobel
Actually, hindi po ito una sa Tagaytay. Ginawa na ito sa Albay ng pumutok ang bulkang Mayon. Ang paniwala nuo ng dating Albay Governor at ngayo’y Kongresista Joey Salceda ay mahalaga na matugunan ang physiological needs ng tao maging sa gitna ng kalamidad. Ang dinadahilan po niya ay ang Maslow hierarchy of human needs. Isang teyorya na halaw sa pangalan ng naglabas ng pag-aaral na si Abraham Maslow.
Sinasabi sa kanyang pag-aaral, ang physiological needs ang pinakapundasyon ng tao sa kanyang buhay. Pangangailangan ng katawan gaya ng pagtulog, pagkain, hangin, pakikipagtalik, pagpaparami. Kailangan ng tao ang mga ito para mabuhay. Base sa pag-aaral ni Maslow, kapag hindi ito natugunan, hindi gumagana ng maayos ang katawan ng isang tao. Hindi siya nagiging functional.
Sa ilalim ng panuntunan ng couples nest na itinatakda ng Tagaytay City government, merong silid na ilalaan sa mga mag-asawa o magpartner na nasa evacuation centers. Meron itong maayos na higaan, condom, at pagkatapos ay tuturuan sila ng family planning. Dalawang oras silang papayagang gamitin ang couples nest. Parang short time lang sa motel ang dating.
Matindi ang epekto ng pagputok ng bulkang Taal sa mga residenteng apektado nito. Sa kaparehong pisikal, mental at emosyonal na aspeto. Una, apektado ng pagputok ang kanilang kalusugan. Ikalawa, iniisip nila ang kanilang kinabukasan. Oo at andiyan ang bayanihan at maraming gustong tumulong at nagbibigay ng pang araw araw nilang pangangailangan gaya ng pagkain. Pero pagkatapos, paano na? Hindi naman habang panahon aasa sila sa tulong. Ano kabuhayang kanilang aasahan matapos ang pagputok ng bulkan, na lubhang nakaapekto sa kanilang hanapbuhay at ari arian? Hindi pa ho natin alam kung hanggang kailan ito matatapos. At pag natapos man sa lalong madaling panahon, ano ang gagawin natin sa iniwan nitong pinsala sa ating mga pananim, sa lupain, ari arian? Paano na ang iniwan nitong pinsala sa ating buhay? Marami ang nagsasabi, dekada ang bibilangin para maibalik sa normal ang kalusugan ng lupa na naapektuhan ng bulkan.
Dapat ba itong gawing prayoridad? Hindi ko ho alam. Magkakaroon ka pa kaya ng gana sa pakikipagtalik ng ganitong kaaga sa kasaysayan ng panibagong trahedyang dulot ng Taal? Ang alam ko lang, kapag ikaw ay naharap sa ganitong klase ng pagsubok, na pinagpapasa-Diyos mo na lamang ang inyong kinabukasan, ang pakikipagtalik ay maaaring huli sa iyong mga maging intindihin…