By Joel Reyes Zobel
Nananatili ang aking posisyon na ang motorsiklo ay hindi ligtas sa sinumang gumagamit nito. ’Yan ay dahil sa attitude ng motorist – ng parehong mga nakasakay sa sasakyang apat ang gulong at dalawang gulong. Dehado ang nakamotor sa kalsada.
Sabi nga ng mga matatanda, pag nag-motor ka, para mo nang inilagay sa hukay ang isa mong paa. Maliban sa walang disiplina, kulang sa edukasyon ang mga drayber sa kasalukuyan, kung ang pag uusapan ay ang pantay na karapatan sa paggamit ng ating mga kalsada. Para kasi sa mga driver ng sasakyang apat ang gulong, outcast ang turing nila sa mga motorsiklo; pinipinahan, hindi pinagbibigyan, hindi binibigyan ng sapat na espasyo sa daan. Kaya naman ang mga nakamotor, lalo na ang mga kung tawagin ay “kamote riders,” nakikisingit, gumegewang parang ahas, tumutulay sa alambre, nakikipagsapalaran. Yun nga lang rider, delikado na ang lagay, magdadagdag ka pa ng pasahero?
Ngayon kasi, gusto silang isa-ligal ni Senador Juan Edgardo Angara.
Sa ngayon, maituturing na kolorum ang mga naghahabal-habal. Maliban na lamang ’yan sa ANGKAS, na binigyan lamang ng six months provisional franchise ng LTFRB. Gusto kasing masubukan ng LTFRB ang kaligtasan ng motorsiklo bilang pampasaherong sasakyan. Ang anim na buwan ay magpapaso na sa darating na Disyembre. Subject uli sila ng renewal ng prangkisa.
Maituturing silang kolorum. Provisional lamang kasi ang prangkisa na ibinigay sa mga nagmomotor, dahil sa batas ng public transportation kung saan nakasaad na kailangang apat ang gulong ng sasakyan bago ka pwedeng ituring na public transport vehicle. Sa pamamagitan ng panukala ni Angara, gagawin nang ligal na public transport vehicle ang motorsiklo. Ang katuwiran ng senador, ito’y dahil kulang tayo sa mass transport at nauubos ang oras ng taumbayan sa traffic. Kumbaga, baka pwede nating bigyan ang mga mananakay ng mapagpipilian sa pamamagitan ng motor. Maaaring makatulong ito sa productivity ng tao na nawawala dahil sa traffic.
Sa panahong hindi lang sarili ang dapat iniisip kundi ang kapakanan din ng iba, sa aking pananaw, merong katuwiran ang panukala. Kung ang panukalang batas ang magbibigay daan para ma-regulate ang mga motorsiklo, marapat na ito’y suportahan. Ano ba ang ibig sabihin ng regulation? Kung mahihigpitan nito ang pagbebenta ng motor, paggamit ng motor ng mga “kamote riders,” professionalization ng kanilang hanay, maglagay ng imprastraktura para sa kanila (gaya ng ginagawa sa Vietnam at Malaysia kung saan may bakod ang mga nagmomotor at hiwalay sa sasakyang apat ang gulong), this should be supported.
Pambihira, kung si Secretary Panelo ay napilitang mag-motor papasok sa Malacanang, kung hindi ’yan maituturing na salamin ng estado ng mass transport problem natin, ewan ko kung ano pa ang puweddng itawag diyan.
Dahil sa kakulangan ng estado na magkaloob ng maayos na mass transport system, masyado nang malala ang epekto ng traffic hindi lamang sa ekonomiya kundi maging sa pamilyang Pilipino. Sa mga panahong desperado tayo sa pagresolba sa traffic, kelangan natin ng mga desperadong hakbang gaya ng panukalang ito