Walang pag-endorso na naganap
Tahasang nilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi niya inendorso si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa Board of Pardons and Parole (BPP) upang mabigyan ng executive clemency.
Nauna rito ay naulat kasi na inirekomenda umano ni Panelo na mapalaya si Sanchez. Pero ayon sa Presidential spokesperson, ang pagri-refer ng liham ng anak ng alkalde na si Marie Antonelvie Sanchez na humihingi ng executive clemency sa kinauukulan para sa kanyang ama ay hindi rekomendasyon.
Nakatatanggap daw ang kanilang tanggapan ng katulad na mga liham at kanilang inire-refer sa Bureau of Corrections (BuCor) nang naaayon sa patakaran ng Pangulo upang kanilang pag-aralan.
Ibinunyag kasi ng isang opisyal ng BPP sa pagdinig ng Senado na ipinadala ni Panelo ang naturang liham sa kanilang tanggapan. Pero tinanggihan daw ng BPP ang request ng pamilya Sanchez.
Si Sanchez ay nahatulang makulong nang pitong habambuhay na pagdurusa dahil sa panggagahasa at pamamaslang kay Eileen Sarmenta at pagpatay sa kasama nito na si Allan Gomez.
Habang nililitis ang naturang kaso ni Sanchez ay si Panelo ang nagsilbing kanyang abogado kaya sa simula pa lang ng kontrobersya na kinasangkutan ng dating alkalde kaugnay ng good conduct time allowance (GCTA) ay marami na ang naghinala na may kinalaman dito si Panelo.
Pero sa simula pa ng kontrobersya ay tahasan na ring itinanggi ni Panelo na may kinalaman siya sa isyu. Ipinasa lang daw niya ang liham pero hindi niya ito inirekomenda.
Bagaman naniniwala ang isang senador na dapat magpaliwanag si Panelo sa Senado dahil hindi na raw nito dapat ini-refer ang liham. Bukod sa ito ang nagsilbing abogado ni Sanchez noon, pinirmahan niya ang liham na gamit ang letterhead ng Malacañang na parang pini-pressure umano ang sinulatan.
* * *
Pero anuman ang sabihin pa ng pamilya Sanchez ay wala nang mangyayari dahil tinanggihan ng mga awtoridad ang kanilang kahilingan at hindi mapalalaya si Sanchez.
Ang totoo ay lumikha ng ingay at ikinagalit ng sambayanan ang ulat na puwedeng mapalaya si Sanchez dahil sa pagpapakita ng mabuting asal.
Ano raw ba ang mabuting asal na ipinakita nito samantalang nakakuha noon ang mga opisyal ng BuCor ng marijuana sa kanyang kubol at shabu na nakatago sa loob ng imahen ni Mama Mary na lagi niyang dala saan man siya magpunta sa loob ng kulungan?
Bukod dito ay nakakuha rin sila ng mga ipinagbabawal na kasangkapan sa loob ng kanyang kulungan.
At kahit ano pang mabuting asal ang kanyang ipakita ay hindi mabubura ang katotohanang ilang habambuhay na tig-40 taon na pagkakakulong ang isinentensya sa kanya at kanyang binubuno sa Bilibid.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.