Delicadeza

0
1175

Padabog na tinanggihan ni Sol Gen Jose Calida ang mga tanong ng media patungkol sa kanyang issue ng conflict of interest. Sa pagtatanong ng mga Senate reporters kay Calida matapos ang hearing tungkol sa budget ng Solicitor General’s office, mariing sinagot ni Calida ng “no” ang pangungulit ng mga mamamahayag.

Mukhang stressed ang mama at tumatanggi na sumagot sa mga tanong. Sabagay, ipinagtanggol na siya ng Malacanang sa issue. Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, walang basehan at gawa gawa lamang ang mga issue laban kay Calida. Nag-divest na rin ang kalihim sa kanyang mga sapi sa security agency na pag-aari ng kanyang pamilya na Vigilant Investigative and Security Agency, Inc. o VISAI. Ang VISAI ay nakakuha ng P150M kontrata sa mga ahensiya ng gobyerno kabilang ang PAGCOR, DEPARTMENT OF JUSTICE, at iba pa. Bago pa man umano mag divest si Calida, pag-aari niya ang 60% ng VISAI.

Pero bago siya pormal na manungkulan bilang SOLGEN, he divested at ikinalat na raw niya sa kanyang asawa at mga anak ang kanyang sapi. Ikinalat sa pamilya pa rin. Wala raw kinalaman sa kanyang posisyon sa gobyerno ang pagkakakuha nila ng kontrata sa mga ahensiya ng gobyerno. “There is no conflict of interest”, sabi ni Calida sa isang kalatas. Dagdag pa ni Roque, aminado si Calida na meron siyang stock ownership pero wala na siyang management powers sa kumpanya. Yan ay kung maniniwala kayo kay Calida.

Pero tukuyin natin ang argumento ni Calida at ang kanyang tagapagtanggol na si Roque tungkol sa stock ownership pero wala nang management powers. Hindi ho ba ito rin ang argumento ni Roque at ng Malacanang kung bakit inuusig nila ang Rappler? Ang mga foreign investors daw ng Rappler ay meron undue influence sa laman at editorial content nito? Matay man sabihin ng Rappler na wala, ayaw nilang maniniwala? O bakit naman kami maniniwala sa inyo ngayon? Selective ata sila sa pagtrato. Kapag kritiko, may conflict of interest. Kapag kakampi, wala. Ayos ah.

Dalawa lang naman ang pagpipilian ni Calida. Kung gusto niyang magnegosyo, hindi ka dapat magpa-appoint sa gobyerno. Ngayon nabuking na, pwede ka pa naman umalis. Hindi ka pwedeng magnegosyo at magpa appoint sa gobyerno ng sabay. Ang hirap, nagpaappoint ka na, gobyerno pa ninegosyo ng pamilya mo. Tindi mo naman sir. If you don’t find anything wrong with this set up, then there is something wrong with your morals. Ano kaya ang gagawin ng Pangulong Rody Duterte sa mga ganitong klase ng mga tauhan? Lalot kaibigan. Parang hindi na kayo binigyan ng kahihiyan. Aabangan natin yan.

Uudyukan ka ng delikadeza na magbitiw. Personal call po yan. Yan ang ginagawa ng mararangal na mga tao. Yan ay kung marangal ka…

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here