FIRING LINE: Naghahamon ba?

0
453

By Robert B. Roque, Jr.

Sa kasagsagan ng clearing operations na isinasagawa ng mga awtoridad kamakailan ay binulaga sila ng isang pagsabog sa isang kubol sa maximum security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa.

Hindi naiwasang mabulabog at magulantang ang mga tao, lalo na ang mga bantay sa bilangguan, dahil sa naturang pagsabog. Suwerte na lang at walang nasugatan sa pagsabog dahil nasa quadrant 1 ang clearing team at mga tao nang naganap ito.

Ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ay nagpadala agad ng kanilang grupong K9 at explosive and ordnance para mag-imbestiga sa pinangyarihan.

Nakita sa pagsusuri ang ilang piraso ng improvised explosive device (IED), dalawang granada at dalawang blasting caps sa lugar ng pagsabog. Inaalam pa kung sinadya ang pagsabog o aksidente ito.

 Ayon sa mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) ay mga rebelde na tulad ng Abu Sayyaf Group, Moro Islamic Liberation Front (MILF), Jemaah Islamiyah, Maute-Isis at Rajah Solaiman Group ang dating umokupa sa sumabog na kubol.

 Pero ano ang ibig sabihin ng pagpapasabog na ito sa isang kubol? Pahiwatig ba ito na tigasin sila? Naghahamon na ba o pumapalag ang mga preso sa clearing operations na isinagagawa sa Bilibid at paggiba sa mga ilegal na istrakturang naroroon?

 O pahiwatig ba ito na tutol sila sa desisyon ni President Duterte na pabalikin ang mga preso na napalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA)?

 Alalahaning dahil sa pagbibigay ng GCTA ay napalitan ang dating hepe rito at napuwesto si BuCor chief Gerald Bantag, na hindi natin alam kung tanggap ng mga preso.

 Baka rin naman ang mga taga-BuCor ang nasa likod ng pagsabog bilang senyales na iba na ang pamamalakad. ’Di ba si Bantag din ang jail warden ng Paranaque City Jail na may sumabog na granada noong 2016 na ikinamatay ng 10 “high-profile” na preso, kasama ang walo na may kasong droga?  

 Ngayon ay sumabog naman ang isang kubol na maaaring pahiwatig na tigasin ang mga taga-BuCor at hindi na uubra ang kalokohan ng mga preso.  Sino man ang nagpasog, dapat ay walang patlang ang mga awtoridad sa pag-iinspeksyon sa loob ng BuCor. Matagal nang namayagpag ang ilegal sa BuCor at dapat itong matuldukan nang tuluyan.

 Saan ka ba nakakita ng kulungan na ang preso ay patuloy na nakapagbebenta ng ilegal na droga? Ang mga transaksyon ay naisasagawa sa pamamagitan ng cell phone na malaya nilang nakukuha at nagagamit basta may pambayad sila.

Huwag sanang pasisindak ang mga awtoridad sa mga preso dahil kapag nangyari ito ay lalong mamamayagpag sa ilegal ang mga ito. Nariyan sila para maparusahan, matuto, magtanda sa buhay at hindi magpasarap. Laging alalahaning nasa panig ninyo ang batas.

                                        *              *              *                            

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet @Side_View. Balikan ang mga nakaraang isyu ng kolum na ito sa thephilbiznews.com

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here