By Robert B. Roque, Jr.
Prostitusyon namamayagpag pa rin
Namamayagpag pa rin ang bold shows sa dalawang malalaking club sa Pasay City na Universal KTV sa F.B. Harrison Street at Titan Z bar na ang pangalan ngayon ay King and Queen sa Macapagal Avenue, na kapwa pag-aari ng dalawang Hapones.
May gimik na ginagawa ang club owners na binabago ang pangalan para maipakita na ito ay iba at bagong establisimiyento. Pero ang totoo ay patuloy ito sa pagtatanghal ng malalaswang palabas at paglalako ng babae para sa panandaliang aliw kahit iyon pa rin ang may-ari.
Ang sabi ng ating espiya ay pinalitan ng Hapon na may-ari na si Kenji Akiba ang pangalan ng bar upang matakasan ang pagbabayad ng karampatang buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Para sa inyong kaalaman, itong Titan Z ay naimbestigahan ng BIR kamakailan kaugnay ng pandaraya sa pagbabayad ng buwis.
Nagawang palitan ang pangalan dahil sa koneksyon nila sa city hall, na pamangkin umano ng isang mataas na opisyal ng Pasay.
Pinuproteksyunan din umano ng isang nagngangalang “Bebet” ang King and Queen dahil siya raw ang nagmumudmod ng “pampatahimik” sa mga awtoridad para walang umalma.
Itong si Bebet ay isang 15-30 na pulis na nakatalaga sa Philippine National Police (PNP) Region 3 Support Service pero madalas sa south ng Metro Manila para mag “duty” at kumilos bilang kolektor umano ng ilang opisyales ng Southern Police District (SPD).
Ang Universal KTV na pag-aari ng isang “Mr. Suzuki” na gumagamit ng dummy na Pinoy ay nakailang ulit ding nagpalit ng pangalan mula Miss Universe, Miss Universal, Universe Girls Club at nitong huli, Universal KTV, sa tuwing sasalakayin ng NBI at mapa-padlock dahil sa malalaswang palabas at paglalako ng babae.
Pero sa kabila ng lahat ng mga panghuhuli at pangre-raid ng mga awtoridad at pagpapalit ng pangalan ay tuloy pa rin ang ligaya sa ilegal na aktibidad nito.
Ilan daang metro lamang ang layo ng Universal KTV sa mga awtoridad pero nagduruda ang marami kung bakit mistulang mga bulag at walang nakikita o nalalaman ang mga ito sa pamamayagpag ng ilegal na aktibidad sa loob nito, at pati na sa King and Queen na kapwa nagpapalabas ng malaswa at naglalako ng laman.
Nananawagan ang Firing Line kay Mayor Emi Calixto na bigyan ng pansin ang prostitusyon na patuloy na nagaganap at namamayagpag sa Universal at King and Queen.
Sina NBI Director Dante Gierran, Brigadier General Nolasco Bathan, SPD chief, at Colonel Bernard Yang, Pasay police chief ay dapat ding kumilos.
Sabi nga ni Duterte, ayaw niya sa korapsyon. Patunayan na walang lagay na ibinibigay ang dalawang club na ito sa mga opisyales ng gobyerno.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.