FIRING LINE: Snatcher ng cell phone

0
832

By Robert B. Roque, Jr.

Isa sa mga mahirap kaligtaang pangyayari sa nakalipas na Traslacion ng Itim na Nazareno ay ang sinapit ng kapatid ko sa hanapbuhay na si Jun Veneracion, mamamahayag ng himpilang GMA-7.

Ayon sa ulat ay natiyempuhan niyang ginagamitan ng mga pulis ng puwersa ang isang lalaking deboto hanggang sa mapabagsak ito.

Bilang bahagi ng tawag ng tungkulin ay kinuhanan ito ng video ni Veneracion gamit ang kanyang cell phone (CP).

Akalain ninyong may biglaang humablot sa CP ni Veneracion at itinakbo ito. Nang magtanung-tanong ay napag-alaman ng mamamahayag na hindi pala ito pangkaraniwang snatcher kundi isang opisyal ng kapulisan, walang iba kundi ang hepe ng Southern Police District (SPD) na si Brigadier General Nolasco Bathan. 

Naglabas din naman agad ng balita ng katwiran ni Bathan na nagsasabing humihingi umano siya ng paumanhin sa naganap kay Veneracion dahil inakala daw niya na banta ito sa prusisyon ng Nazareno.

Si Veneracion ay isang lehitimong mamamahayag na ginagampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang pinaglilingkuran na makapaghatid ng mga kaganapan.

Paano namang hindi malalaman ng isang opisyal na miyembro ng media ang kanyang kaharap? At kung halimbawang totoong hindi batid ni Bathan na mamamahayag si Veneracion, maituturing bang tama na itakbo niya ang CP nito?

Napag-alaman na nang itakbo ni Bathan ang CP ay may nag-delete ng kinuhanang video ni Veneracion na naglalaman ng karahasan ng mga pulis.  

Kung alam ng mga pulis na wala silang ginagawang masama, walang dahilan para agawin ang CP at i-delete ang video.

Kung sino man ang nag-delete ng video, hindi niya alam na kailangan pang i-clear ang “recently deleted” para tuluyan itong mabura. Kaya ang ending ay na-restore ni Veneracion ang deleted video at naipakita rin ito.

Ang pangit na karanasang ito ni Veneracion ay isa lamang sa mga dahilan kung bakit masasabing tama lang na ang lahat ng pulis na nagpapatrolya o kaya ay nasa kasagsagan ng operasyon ay makabubuting gumagamit o nagsusuot ng body camera.

Ito ay para maging transparent at malinaw ang lahat ng ikinikilos nila at mapigilan sila sa paggawa ng anumang kamalian. Paano sila gagawa ng mali kung ang lahat ng kanilang ikinikilos ay naka-record?

Hanggang ngayon kasi, may iilang mga pulis na nakasanayang gumawa ng pang-aabuso ng kanilang kapwa o nasanay sa paglabag sa karapatang pantao.

Isipin din na kawawa naman ang mga pangkaraniwang Juan dela Cruz na bumibili lang ng suka sa tindahan nang madamay sa hulihan at madampot.

At lagi ring alalahanin na ang mga pulis ay dapat nanghuhuli ng snatcher ng mga cell phone. Hindi sila ang dapat umaaktong snatcher.

*              *              *                            

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here