FIRING LINE: Travel ban

FIRING LINE: Travel ban

By Robert B. Roque, Jr.

Napakainit na paksa sa kasalukuyan ang pag-ban sa mga Pilipinong opisyal na may kinalaman sa pagkakakulong ni Senator Leila de Lima na makapasok sa United States of America.

Nauna rito ay pinirmahan ni US President Donald Trump ang kanilang 2020 national budget na kabilang ang probisyon na nagbabawal sa pagpasok sa Amerika ng mga naturang opisyal.

Dahil dito ay nagalit si President Duterte at inutusan ang ating Bureau of Immigration na huwag papasukin sa Pilipinas sina US Senators Dick Burbin at Patrick Leahy, ang dalawang mambabatas na nasa likod ng naturang probisyon.

At ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung iba-ban ang ating mga opisyal na makapasok sa US, ire-require ng ating gobyerno ang lahat ng Amerikano na nagbabalak pumunta sa Pilipinas na kumuha muna ng visa bago sila papasukin.

Gayunman, sa tingin ko ay karapatan ng kahit anong bansa na huwag papasukin ang sino mang ayaw nilang papasukin. Kung sa pananaw nila na iyong mga opisyal na Pilipino ay nilabag ang human rights ni De Lima, karapatan nila na i-ban ang mga iyon sa pagpasok sa US.

Ganu’n din na may karapatan ang gobyerno ng Pilipinas na huwag papasukin ang dalawang US senators sa bansa natin.

Kung inyong maaalala, ginawa na natin ito sa isang dayuhang madre na ating ipina-deport dahil sa pagiging undesirable alien at paglabag umano sa limitasyon ng kanyang missionary visa.

Baka rin naman may katwiran kahit katiting man lamang ang Amerika sa ginawang pagbabawal sa mga opisyal. Huwag ninyong kalilimutan na ang US ang isa sa mga bansa na nagkakampeon ng human rights o karapatang pantao sa buong mundo.

Karapatan din ng Pilipinas na magpa-apply ng visa sa mga US citizen na gustong bumisita sa ating bansa. Ngunit duda ako na may balak pumunta o bumisita sa Pilipinas ang dalawang ipina-ban na mga senador.

Ang mga Pilipino na ibaba-ban ng US na makapasok sa kanila, tiyak na karamihan  ay may mga kaanak na naninirahan o kaya ay nag-aaral sa Amerika.

At isipin din sana natin kung makatutulong ba ito o hindi sa turismo at kinikita ng ating bansa.

At higit sa lahat, ano ang kahihinatnan ng ating kababayan na nasa Amerika at gustong magbalikbayan? Mag-a-apply rin ba sila ng Philippine visa para pumunta sa bansa? Alalahanin na dugong Pinoy rin sila.   

At isipin natin, kung sadyang makabubuti sa Pilipinas ang pag-require ng visa sa mga Amerikano, bakit hindi ito ginawa ng ilang dekada ng nakalipas?

*              *              *

Next year ay 2020 na kaya dapat lang lahat tayo ay may 20-20 vision para sa pamilya, at mga opisyal ng gobyerno para sa pag-unlad ng bansa. Malinaw dapat ang mga plano at layunin tungo sa parating na bagong dekada.

Happy New Year!

Leave a Reply