By Robert B. Roque, Jr.
Karamihan umano ng naglalabasang ulat sa social media kaugnay ng mga dinudukot na tao para makuhanan ng kanilang organs ay peke at walang katotohanan, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Pinaalalahanan ni Brigadier General Bernard Banac, PNP Spokesperson, ang publiko na ang insidente ng pagdukot sa Bulacan na kasalukuyang umiikot sa Facebook ay ilang ulit nang napatunayang walang katotohanan.
Ang ama msmo ng naulat na 10-taon-gulang na batang lalaki na taga-San Jose del Monte, Bulacan ay lumutang na sa himpilan ng pulis para pabulaanan na ang anak niya ay dinukot.
Ang totoo umano sa paliwanag niya ay tatlong ulit nang naglalayas ang bata sa nakalipas na mga taon at ang mga peklat sa kanyang tiyan na nakuhanan ng video ay bunga ng dinaanang operasyon noong 2016.
Sandamakmak nga naman na mga ulat ang lumalabas sa social media tungkol sa mga insidente ng kidnapping sa Metro Manila at sa mga kalapit na probinsya.
Ito ay matapos lumabas ang ulat na isang babae ang hinatak papasok ng kulay puting van sa Makati at kumalat na may mga kabataang nawawala sa Pasay City.
Sa palagay ng mga alagad ng batas gaya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Pasay City Police ay may kinalaman umano sa ilegal na droga ang mga nawawalang kabataan sa Pasay lalo na’t magkakakilala ang mga ito.
Ayon mismo kay Colonel Bernard Yang, hepe ng Pasay police, may mga ulat daw na ang mga nawawalang kabataan ay kilala sa kanilang komunidad na gumagamit at nagtutulak ng bawal na gamot.
Binalaan din ng mga pulis ang mga demonyong nagpapakalat ng fake news tungkol sa puting van na nangunguha ng mga bata na tumigil sila sa kanilang kalokohan at kung hindi ay mananagot sila sa batas.
Ang totoo ay nakapagtanim na ng takot sa puso ng publiko ang mga naglabasang balita tungkol sa mga bata na puwersahang umanong pinasasakay sa puting van at hindi na nakikita pang muli.
Kahit sinong magulang ay mag-aalala sa posibilidad na baka may kumidnap sa kanyang pinakamamahal na anak at kuhanan ito ng napakahalagang organs na kanillang ibebenta.
Sino rin namang magulang ang hindi matatakot o mangangamba sa nakapanghihilakbot na balitang ito na nagdudulot ng pagduruda sa proteksyon na nakukuha natin sa mga pulis at opisyal ng barangay?
Ang totoo ay mahirap umasa na totoo ang lahat ng nakikita at napapanood natin sa Facebook. Karamihan talaga rito ay gawa-gawa lang ng mga maloloko at walang magawang matino sa kanilang buhay.
Pero ang tanong ay aabot ba talaga sa puntong pepekein at palalabasing sila ay dinukot para makapanloko lang ng kanilang kapwa?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.