By Robert B. Roque, Jr.
Bibigyan ng pansin ni President Duterte ang kahalagahan ng kalikasan dahil pinag-iisipan umano niyang ipagbawal ang paggamit ng plastik sa ating bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa isang pagpupulong ng Gabinete ay si Duterte mismo ang nagpalutang ng ideya na i-ban ang paggamit ng plastik upang maprotektahan ang kalikasan at makontrol ang epekto nito sa climate change.
Dahil suportado ito ng Pangulo, hindi na raw kataka-taka kung sesertipikahan niya ang panukala.
May lumabas na ulat tungkol sa polusyon kaugnay ng plastik noong 2015 na nagsasabing ang Pilipinas ay pumapangatlo sa mga pinagmumulan ng plastik na nakitang nagpaparumi sa mga karagatan. Sumusunod tayo sa China at Indonesia.
Ang desisyon ay resulta ng pakikipagpulong ni Duterte sa isang summit sa Thailand sa ibang mga lider ng Southeast Asia na may dedikasyon na labanan ang polusyon sa karagatan.
Naniniwala ang mga lider na ang mga basura sa karagatan ay problemang pangkalahatan at ang pagtutulong-tulong ng mga bansa ay kailangang palakasin para ito ay malabanan.
Nangako si House Committee on Natural Resources Chairman Cavite Representative Elpidio Barzaga Jr. na tatalakayin nila ang mga naka-pending na panukala sa paggamit ng plastik dahil sa negatibong epekto nito sa kalikasan at kalusugan na rin ng mga tao.
Aanyayahan daw nila ang mga stakeholder kabilang ang Association of the Plastic Manufacturers in the Philippines at mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa lehislasyon tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH) at ibang grupong makakalikasan na nais ipagbawal o makontrol ang paggamit ng plastik.
Habang naghahanda ang Kongreso na magpasa ng batas ukol dito ay hinimok ni Barzaga ang DILG at pati ang Department of Education (DepEd) na maglunsad ng kampanya laban sa paggamit ng plastik.
Sa ngayon, may dalawang naka-pending na panukala sa Senado na nai-file sina Senators Cynthia Villar at Francis Pangilinan na nagnanais na i-ban ang paggamit ng plastik at pagbibigay nito sa mga kostumer sa mga tindahan, palengke at retail shops.
Sa halip, ang mga konsumer ay ididirekta sa paggamit ng mga materyales na muli nilang magagamit. Ang mga manufacturer naman ay oobligahin na mangolekta, mag-recycle at magtapon ng mga plastik na ginagamit at umiikot sa merkado.
Tama lang at napapanahon ang desisyon ni Duterte. Bukod sa napo-pollute ang karagatan, plastik ang minsa’y ikinamamatay ng mga laman-dagat dahil nakakain nila ito.
Ituon naman natin ang atensyon sa mga kawawang laman-dagat at ang pagbibigay ng proteksyon sa kanila dahil hindi nila ito puwedeng kayanin nang sila-sila lang.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.