By Joel Reyes Zobel
Ano ba ang pangako ng rice tariffication law? Ang pangunahing adhikain ng batas ay mapababa ang presyo ng commercial rice sa 27 kada kilo, kaparehong presyo na itinatakda ng NFA rice. Talagang mura ang presyo ng imported rice na ang landed cost ay 15 to 19 kada kilo. Ang tanong: at any given time ba, meron kang makikitang bigas na ang halaga ay bente siyete kada kilo? O maghahanap ka pa? Ang presyo ng available commercial rice ay nasa 34 hanggang 45 pa rin. Magmula nang maipasa ang batas nuong nakaraang pebrero, napakabagal ng epekto ng batas sa pagbaba ng presyo ng bigas.
Isa pang tanong: yun bang sampung bilyung pisong malilikom na pondo sa pagpapataw ng buwis sa imported na bigas, nasa sampung bilyung piso, ay naibigay na sa ating mga magsasaka? Maliban sa limang libong piso financial assistance sa bawat magsasaka (hindi pa lahat nabibigyan) nagkaroon na ba ng mekanismo para matulungan ang mga magsasaka na i-develop ang kanilang mga farming methods para makaagapay sa world standards at makaani nang mas maganda? Ang balita, nasa tatlong bilyon pa lamang sa sampung bilyung pisong pangako ang naitulong sa mga magsasaka. Anong petsa na mga sir?
Ang pangako ng batas ay pababain sa abot kayang presyo ang bigas para sa kapakanan ng mahigit sa isandaang milyung mga Pilipino. Alam natin na ikalulugi ito ng ating higit dalawang milyung magsasaka. The greatest good for the greatest number. Pero kaya tayo pumayag dahil ang pangako ng batas ay tutulungan ang kanilang sektor. Hindi band aid. Kelangan ay long term solutions.
Sa ngayon, puro pangmadalian lamang ang tulong na naibibigay ng gobyerno sa ating mga magsasaka. Hindi naman nito napababa ang presyo ng commercial rice sa pangkalahatan.
Sinuspindi na ng Pangulong Duterte ang importasyon ng bigas para mapilitang bilhin ang ani ng mga magsasakang Pilipino. Baka hindi lang suspensiyon ng importasyon ang dapat gawin? Baka ang batas ay palpak at kailangan ng repasuhin…