By Joel Reyes Zobel
Tinitiyak ng Article 3, Bill of Rights ng Saligang Batas, ang pagkakaroon ng kalayaan sa relihiyon. Tinitiyak din nito ang karapatan ng isang mamamayan na magpalit ng kanyang paniniwala. Merong panukalang batas si House Minority Leader Benny Abante (Manila 6th District) na mag-uutos na gawing mandatory ang pagtuturo ng bibliya sa mga estudyante sa elementarya’t high school. Para sa nag-iisang Kristiyanong bansa sa Asya, hindi raw lubusang naiintindihan ng mga Pilipino ang kahalagahan at kapangyarihan ng bibliya.
Kung magkakaroon lamang daw ng pagpapahalaga sa turo ng bibliya, at ang mga prinsipyo at panuntunan nito ay mauukit na sa murang kaisipan ng mga kabataan, hindi tayo magkakaroon ng malaking problema sa liderato, pagpapatakbo ng gobyerno, at katahimikan at kaayusan sa lipunan.
Maganda ang intensiyon ng butihing mambabatas. Pero hindi ba ito lumalabag sa freedom of religion? Hindi lang naman Kristiyanismo ang relihiyon sa Pilipinas. Sabi ni Abante, itinuturing na literary masterpiece ang bibliya. Isa daw ito sa mga dahilan kung bakit dapat daw na ito ay itinuturo. Granting na obra ang bibliya, sino ang pipigil sa sinumang magsasabing obra din maituturing ang kur’an? Dapat din bang ituro iyon sa lahat?
Eh, paano naman yung hindi naniniwala sa Diyos? Meron ding mga atheist o mga hindi naniniwala sa Diyos. Meron ding agnostic na ang paniniwala ay walang makapagsasabi kung meron bang Diyos o wala. Anything that is about religion, should not be put to the test. Ang bawat paniniwala ay dapat ginagalang.
Kung meron mang dapat ituro sa mga bata, ’yan ay walang iba kundi ang ating Saligang Batas. At the very least, Article 3 o ang Bill of Rights. Dapat alam nila ang kanilang karapatan bilang mamamayan.
Kaya ang Saligang Batas ay malinaw sa kanyang probisyon sa kalayaan sa relihiyon. Masyadong sagrado ang usapin para pakialaman ng estado. Ipinapaubaya ng estado sa indibidwal, sa pamilya ang paghubog ng isipan ng kanilang mga anak patungkol sa usapin ng relihiyon.
Kung talagang gustong tumulong ng estado na hubugin ang murang isipan ng mga kabataan, na tinuturing nating mga pinuno sa hinaharap, patungo sa kabutihan, magpakita tayo ng halimbawa ng tamang pamumuno. Huwag kang magmumura. Magpakita ka ng paggalang sa kapwa. Huwag kang magnanakaw. Magkaroon kayo ng pantay na pagtingin sa lahat ng mamamayan. Kapag nagkasala ang taong gobyerno ay dapat mapanagot, anuman ang partido na kanyang kinasasapian. Magtakda ka ng halimbawa na kapupulutan ng aral at magbibigay inspirasyon.
Kung gusto ninyong tumino ang bansa at magtakda ng halimbawa, ang mga pinuno natin ay marapat na gawin ang kanilang pinapangaral.