By Joel Reyes Zobel
Sino ba dapat ang binibigyang prayoridad sa kalsada? Walang iba kundi ang mga emergency vehicle. Ano ba ang mga pumapailim sa kategoryang emergency vehicle? Police vehicle, ambulansiya, at fire truck. Hindi kasama dito ang mga sasakyan ng mga opisyal ng gobyerno at mga politico – that includes the President.
Sinabi ni Vice President Leni Robredo na hindi dapat payagang makagamit ng “wang-wang” o sirena ang mga opisyales ng pamahalaan, o di kaya gumamit ng police escort para maranasan nila kung paano maipit sa traffic. Alam ninyo na galing sa puso ang panukala ni Robredo, dahil personal niyang ginagawa ito. Maliban sa hindi paggamit ng wang-wang, ay sumasakay siya sa pampublikong bus pauwi ng Naga. Personal niyang nararanasan ang araw-araw na kalbaryo ng ating mga kababayan.
Meron pong panukala na gawin ng lahat na halal at appointed official ng gobyerno ang “commute challenge” na ginawa ni Presidential Spokesman Sal Panelo nitong nakaraang Biyernes. Sa ilalim ng panukala ni Rep. Frederick Siao (Iligan City), tuwing Lunes ay inuutusan ang mga opisyal ng pamahalaan na manakayan o mag-commute. Merong kaakibat na parusa ang sinumang magpapasundo at magpapahatid sa driver sa kanilang place of work. Sa ganitong paraan daw, mararansan nilang personal ang kalbaryo ng commuting public. Bawas sasakyan din ito sa kalsada. Palagay ko, hindi po uubra ito. Hindi rin ito lulutas sa krisis na nararanasan natin sa ngayon. Napakadaling palusutan nito, lalo’t alam natin ang karakas ng mga opisyales ng gobyerno.
Actually, ang isang araw na karanasan ni Kalihim Panelo, na ayaw na niyang ulitin, ay sapat na para mamulat ang isipan ng mga opisyales ng pamahalaan. Hindi na kailangan pa na gawing batas ang nabanggit na karanasan. Ang pinakamainam, at madaling gawin ay ang “no wang-wang, no escort” policy. Huwag na lang kayong gumamit ng wang-wang at escort, sapat nang hakbang ’yan para maintindihan ang araw-araw na impiyernong dinaranas sa kalsada ni Juan dela Cruz. Mantakin ninyo, maiipit sila sa traffic gaya ng pangkaraniwang si Juan. Walang escort, walang wang-wang.
Tama ang sabi ni Secretary Panelo; mali lang siya ng pinaturingan. Sabi niya, kung gusto mong makarating ka nang maaga sa trabaho, gumising ka, simulan ang araw mo nang mas maaga. Hindi ho dapat ang commuting public ang pinapaturingan niyan. Ang dapat sinasabihan niyan ay ang mga opisyales ng pamahalaan. Yan ang dapat gawin ni Panelo at iba pang opisyales ng gobyerno para hindi niyo na kelangan ng hawi boys o escort at wang-wang para makarating kayo sa oras sa inyong paroroonan. Paradigm shift lang naman yan. Change of mindset. Kami ang boss ninyo. Kami ang nagbabayad ng buwis para ipangsweldo sa inyo. Kaya mas mahalaga ang oras namin kesa sa inyo para makabayad kami ng buwis para meron kayong swelduhin. Kung meron mang dapat eskortan, kami ’yun, hindi kayo!