By ROBERT B. ROQUE JR.
Patuloy ang pagsisikap ni Manila Mayor Isko Moreno na baguhin ang imahe ng lungsod, linisin at unti-unting lutasin ang mga problema nito bilang pagtupad sa kanyang pangako noong panahon ng kampanya.
Sa katunayan, nitong huli ay binayaran ng local government ang P204,215,076.45 na utang nito sa Government Service Insurance System (GSIS) na iniwan ng administrasyon ni dating Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Ayon sa secretary to the mayor na si Bernie Ang, simula 2013 nang maupo si Estrada sa puwesto ay kinakaltasan ang suweldo ng mga empleyado ng city hall bilang kontribusyon pero hindi ito nire-remit sa GSIS.
Bagaman hindi pa alam kung saan napunta ang pera at iniimbestigahan pa ito, ngayon ay up-to-date na ang mga kontribusyon ng mga empleyado sa GSIS at pwede na nilang makuha ang mga benepisyong nakalaan para sa kanila.
* * *
Pero kung marami man ang natutuwa sa ginagawa ni Moreno ay hindi rin maiiwasang may mga nagagalit at sumasama ang loob, lalo na iyong mga naapektuhan sa ginagawa niyang paghihigpit.
Unang una na rito ang mga vendor na apektado sa sunud-sunod at maya’t maya niyang clearing operations na inuutos sa kanyang mga tauhan.
Pangalawa ay ang mga tiwaling pulis na nawalan ng kita at nawalan ng kokotongan sa araw-araw nang ipatigil ni Moreno ang operasyon ng mga illegal vendor.
Pangatlo ay ang mga residente na nagkaroon ng takot sa puso sa pagdating ng mga tauhan ni Mayor Isko. Akalain ninyong kanya-kanya sila sa pagtatago ng gamit sa labas ng bahay, kasama na mga timba at drum ng tubig dahil kapag natiyempuhan ng mga bata ni Yorme ay kumpiskado ito. Kahit bubungan na lalabis sa sukat ng property ay ginigiba.
Nitong huli ay ipinagbawal ni Yorme ang bentahan ng cell phone na segunda mano sa mga mall.
Ang tinamaan nang husto sa paghihigpit na ito ay ang Isetann sa CM Recto na kanyang ipinasara nang ilang araw dahil bukod sa hinalang bumibili ng segunda manong cell phone ang isang stall dito ay natuklasang may mga violation pala ang may-ari ng mall tulad ng pagkuha ng kaukulang permit.
Bagaman pinayagan na itong magbukas muli matapos magbayad ng ilang milyong piso, hindi maitatanggi ang katotohanang ipinasara ni Mayor Isko ang mall nang hindi inaalala ang kapakanan ng stall owners na nagbabayad ng kaukulang buwis.
Ito ang mga puwesto na ang mga empleyado ay nabubuhay lamang sa araw-araw nilang kinikita. Kung wala silang kikitain ay wala silang kakainin.
Masisisi ba natin kung magtanim sila ng galit kay Yorme? May mga nagsabi pa nga na hindi na raw makauulit si Moreno at hindi na nila ito ibobotong muli.
Ganiyan talaga. Hindi mo mapasasaya ang lahat ng tao sa lahat ng panahon.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. Mababasa rin ang mga naunang kolum sa thephilbiznews.com.