By Joel Reyes Zobel
Elitistang panukala. Mga mayayaman lamang daw ang mabebenepisyuhan. Inuuna ang kapakanan ng mga may pera. Yan ang mga biglaang puna sa panukala ni Senador Grace Poe na maglagay ng business class o premium economy class sa mga mass train system natin.
Bago ho natin siya paringgitan sa kanyang panukala, himayin muna natin ang kanyang gustong mangyari. Una sa lahat, hindi naman sinabi ni Grace Poe na ito ang unahing gawin. Ang sinasabi niya, it can be done here. We can do this sa ating MRT as an added feature. Tutal ang gusto nating mangyari ay yung mga naka-kotse ay mahikayat na mag-tren o sumakay ng mass transport.
Hindi naman lahat ng naka kotse ay mayaman. Ang karamihan ay napilitang bumili ng kotse dahil nga sa kakulangan ng gobyerno na bigyan sila ng maayos na mass transport system sa kabila ng buwis na kanilang binabayaran. Sa tutoo lang, mahal ho mag mentina ng kotse. Bayad ka ng buwanang hulog, bayad ka ng parking, tapos meron ka pang maintenance expense gaya ng gasolina at tune up. But they would rather sit on their cars maski natatrapik, kesa naman makipagsikaikan at madukutan sa dugyot na MRT natin sa ngayon.
There is such a thing as freedom of choice. Karapatan ng tao na makapamili. Bakit ba meron tayong point to point o P2P bus na merong amenities gaya ng CR, komportableng upuan, malaking leg room at direcho o straight ang biyahe mula sa pinanggalingan hanggang sa paroroonan. Precisely because ang tao ay pinapamili natin. Meron naman tumatangkilik sa P2P kahit mas mahal sa ordinaryong aircon bus.
Bigyan ko kayo ng halimbawa. Nuong napadpad ako sa Japan, meron pong reserved seating po doon. May kamahalan ng kaunti pero ang upuan ay mas primera klase, ang kasabayan mo ay mga executive ng mga kumpanya. Meron ding naglalako na purser na siyang nag aalok ng pagkain, inumin at kung ano pa, para maging mas convenient ang biyahe mo sa tren.
Ang malaking kaibahan nga lang ng mass transport system nila doon, masyado silang mahigpit sa schedule. Kapag sinabing aalis ang tren ng 7:30 ng umaga, aalis yun ng eksaktong oras. Pag dumating ka ng 7:31, naiwanan ka na. Kumbaga nahasa na nila ng todo ang sistema, na kapagka nagkaroon ng kaunting aberya, malaking kahihiyan na yun sa management ng tren. Kontodo hingi ng paumanhin ng mga tauhan ng tren sa mga pasahero.
But of course, that is the ideal. Ang sitwasyon ng mass transport sa Pilipinas ay malayo sa perpekto. Nasa proseso pa tayo ng pagpapaayos ng sistema ng mass transport system para sa mga ordinaryong mamamayan. Sa ngayon, ang targetin muna natin ay ang bare minimum. Merong maayos na pasilidad, hindi hihinto sa kalagitnaan ng biyahe ang mga pasahero, hindi maglalakad sa riles, hindi blockbuster ang pila. The works.
Sa kasalukuyang kondisyon ng ating mass transport system, malayo pang makamit ang paglalagay ng premium class sa ating mga tren. Bagama’t mahirap makamit, pero hindi naman siguro masamang pangarapin at pagplanuhan.