FIRING LINE: Kuwentong ninja cops

FIRING LINE: Kuwentong ninja cops

Ano ang ninja cops at kontrobersya na kinasasangkutan nila? Sila ba ang mandirigma sa sinaunang Japan na gumagamit ng samurai, shuriken o star knife at iba’t ibang mga gamit na panglaban sa kanilang kaaway?

Isang lumalagapak na hindi! Ninja cops ang ibinansag sa mga pulis na nagre-recycle at ibinebenta muli ang shabu na kanilang nakumpiska sa mga lehitimong drug raid. Sa madaling salita, sila ay mga corrupt o tiwaling mga pulis. Kaya pala hindi natatapos ang problema sa droga. Mga bugok!

Sa isang executive session ng Senado ay ibinunyag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dating hepe ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ang mga pangalan ng ninja cops.

Masyadong mainit ang isyu at nakatatanggap na nga raw ng death threats si Magalong. Ganu’n pa man, laban na raw ito at wala siyang balak na umatras o tumigil sa kanyang ginagawa.

Si PNP Chief Oscar Albayalde naman ay nagpahayag na pakiramdam niya ay idinadawit o isinasabit siya sa kontrobersya ng ninja cops.

Pero hindi naman ito nakapagtataka dahil si Albayalde ang hepe ng Pampanga police nang akusahan ni Magalong, hepe noon ng CIDG, ang ilang miyembro nito ng pagre-recycle ng droga.

Bahagi pa nga ng kuwento ni Magalong ay may isang maleta noon na halos hindi maisara dahil sa maraming lamang shabu. Pero mahigit 30 kilo lamang ang idineklarang shabu na nakumpiska umano ng ninja cops sa naturang operasyon.

Ganito ang estiilo ng ninja cops na ikinakalakal ang nakumpiska nilang shabu.

Sa executive session ay sinabi ni Magalong na isang mataas na opisyal ang nagbibigay umano ng proteksyon sa 22 ninja cops. Dahil dito, ang mga isinampang kaso laban sa kanila ay pawang na-dismiss.

Ayon kay Albayalde, na-dismiss ang mga kaso dahil kulang ang ebidensya. At higit sa lahat, hindi raw siya kasama o isa sa mga akusado sa naturang kaso.

Pero mga tauhan niya ang mga akusado bilang hepe ng Pampanga. At bilang hepe, para sa maraming tao ay mahirap isipin na hindi alam ni Albayalde ang ginagawa ng kanyang mga tao.

Kung wala naman itinatago si Albayalde ay humarap siya sa imbestigasyon ng Senado, sagutin ang mga tanong ng senador at linawin ang isyu. Ano ang dapat niyang ikatakot? Gusto ba niyang pagdudahan ng mga tao ang integridad ng PNP Chief?

Isipin na lang na bukod sa mga tiwaling pulis na ibinunyag ni Magalong, tiyak na marami pang ibang ninja cops sa iba’t ibang presinto sa bansa. Panahon na para mapatino ang hanay ng kapulisan. Salain ang buong PNP.

*              *              *                            

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

Leave a Reply

Close Menu