BANGON NA BAYAN By Joel Reyes Zobel

0
586

Emergency powers ba kamo?

Alam ninyo kung bakit sila humihingi ng emergency powers? Para meron silang masisisi dahil sa kanilang kapalpakan na resolbahin ang problema ng traffic. Eh hindi niyo kasi kami binigyan ng emergency powers, kaya ang traffic windang pa rin. Kaya tinatanong ni Senador Grace Poe, “Ano ba ang mga proyektong ilalatag kung bibigyan kayo ng emergency powers?” “Yan bang mga proyektong yan ay hindi tatakbo kung walang emergency powers?” Eh, palagay ko naman, tatakbo rin.

And besides, ang mga mass transport system projects na ito ay hindi reresolba sa traffic sa madaling hinaharap. Long-term po iyan. In fact, wiwindangin lalo niyan ang traffic dahil sa mga road closures habang ito ay ginagawa. Noong 2016 pa nila hinihingi ang emergency powers. Kung nagsimula ba sila noon, eh di dapat nagsisimula na; kundi man, halfway na ang mga proyektong yan?

Noong mga panahong binigyan natin ng emergency powers si Pangulong Ramos para  resolbahin ang power crisis, ano nangyari? Napunuan nga ang pagkukulang sa kuryente, pero ginawa naman nito ang Pilipinas bilang pangalawa sa mga bansang pinakamahal ang presyo ng kuryente sa Asya. Binayaran natin ang mga independent power producers sa kuryente na hindi nila napo-produce dahil nasa kontrata na binigay ni Ramos sa kanila ang guaranteed income. Pinahirapan nito ang mamamayan sa pagbabayad ng kuryente. Bukas sa pag-abuso ang emergency powers.

Baka maulit ang scenario na yan kapag nagbigay tayo ng emergency powers para resolbahin ang traffic. Balita na nga na mga kumpanyang Tsino na ang nakakuha ng ilang bridge projects sa Metro Manila na inutang ng bansa na babayaran natin sa napakataas na interes. Walang emergency powers yan, eh yun pa kayang meron? Buti nga at nasisita ng Kongreso dahil sa kanilang oversight powers. Mawawala ang oversight powers ng kongreso kapag tuluyan kayong nagbigay ng emergency powers.

Nakakapagod din ang humingi ng emergency powers. It takes a lot of effort to do that. Sa halip na ubusin natin ang ating lakas sa kahihingi ng emergency powers, bakit hindi natin ayusin ang mga bagay that is within our sphere of influence? Bakit hindi natin resolbahin ang traffic sa pamamagitan ng hakbang na pwede na natin gawin ngayon? Ano ba ang mga hakbang na yan?

Una, masidhi nating linisin ang mga kalsada sa mga obstruction. Malapit nang magpaso ang ibinigay ninyong taning Mr President para ibalik sa taumbayan ang kalsada’t bangketa. Ang hindi sumunod, kinakailangang malintikan. Ang mga barangays ang mga frontliners. Linis mo barangay mo. More than the mayors, ang mga kapitan de barangay ang dapat kasuhan kapag hindi nakatugon. ‘No car, no garage’ policy should be passed.

Ikalawa, baka pwede tayo magpatupad ng flexitime sa gobyerno. Ginagawa na yan sa ilang pribadong kumpanya. Encourage din natin ang work from home. If they can work at home and still get the job done, dapat hikayatin yan. Ang mga tao ay binabayaran sa paggawa ng trabaho at pagdeliver ng resulta. Hindi sila binabayaran dahil dapat silang tumagal ng walong oras sa opisina maski na unproductive sila dahil pagod na sila sa daan dahil sa traffic.

Ikatlo, tuloy lang natin ang mga proyekto ng DOTr. Magaganda ang mga proyekto ni Secretary Tugade at dapat silang matuloy. Special mention ang subway at iba pang mass transport system projects.

Ikaapat, magdevelop tayo ng iba pang ciudad. Very promising ang Clark City sa Angeles Pampanga, kung saan planong ilipat ang karamihan sa mga opisina ng gobyerno. Paigtingin din natin ang computerization ng gobyerno para ang mga tao, hindi na pupunta sa mga tanggapan ng pamahalaan para magsagawa ng kanilang mga agenda. Diyos ko naman, nasa computer age na tayo, it is a crime to remain Jurassic.

Lahat ng ito, pwedeng gawin kahit walang emergency powers. Dahil itinuturing na alamat, legendary ang political will ng Pangulong Duterte, walang tamang panahon para gawin ito kundi ngayon. Emergency powers ba kamo ang gusto ninyo? Baka yung hinihingi ninyo, meron na kayo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here