Tuta ng Kano o tuta ng Chino
Ano ba ang mutual defense treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika? Ang kasunduang ito ay napirmahan nuong Aug. 30,1951. Ang mahalagang isinasaad ng kasunduan ay pagsuporta ng dalawang bansa sa isat-isa kung ang Pilipinas at Amerika ay inatake ng ibang panlabas na partido.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, hiniling ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang muling pagsilip sa nasabing treaty na ang pangunahing pakay ay kundi man panatiliin, palakasin, o ibasura nang tuluyan ang kasunduan.
Magmula nang malagdaan ang kasunduan nuong 1951, marami na hong nangyari sa relasyon ng Amerika at Pilipinas. Nagdaan ang iba’t-ibang administrasyon, lumakas lalo ang relasyon, at humina matapos na mawala ang mga base militar nuong 1991. Lumakas muli ang relasyon matapos paigtingin ng mga administrasyon mula Ramos hanggangAquino. Humina muli matapos na maging maasim ang pakikitungo ni Duterte dahil bwisit siya kay Obama. Pero sa pagpasok ni Pangulong Donald Trump baka mapalakas muli dahil halos pareho sila ng istilo ng pamumuno ni Duterte. Ang sinasabi natin, sa kabila ng roller-coaster-type of relationship, nananatili ang treaty at ang commitmentrito ng dalawang bansa na ipagtatanggol ang depensa ng isa’t-isa.
Medyo nag-iiba lamang ang timpla dahil sa ilalim ng Duterte administration, mas binibigyang bigat nito ang relasyon sa China, na hindi kasundo ng Amerika dahil sa kanilang tinatawag na trade war.
Kaibigan ang turing ng Pangulong Duterte sa China. Pinapatunayan ’yan ng pagkiling ng administrasyon sa pangungutang sa China na mas mataas ang interes kumpara sa ibang trading partners gaya ng Japan na handang magpautang sa mas mababang interes.
Mas binigyan natin ng bigat ang relasyon sa China sa kabila ng pagmamalabis nila sa paggamit ng mga teritoryong pinagtatalunan sa West Philippine Sea ng dalawang bansa. Hindi natin ginagamit na barter ang desisyon ng UN, na atin ang teritoryo dahil baka ma-offend natin ang China na kaibigan natin kung ituring. Nagbulag-bulagan tayo sa kanilang mga pagmamalabis sa ating mga mangingisda dahil kaibigan ang turing natin sa kanila.
Susme naman! Pati ba naman ang Benham Rise na bahagi na ng Pacific Ocean, eh sasakupin niyo pa? Dumadaan kayo sa Sibutu Strait sa Tawi-tawi, sa kabilang bahagi na ito at wala na sa inyong walang-basehang Nine-Dash Line, pinupuntirya niyo pa rin. At pagkadumaan kayo, ni hindi kayo nagpapaalam? Aba, anong klaseng kaibigan naman ito. Sinasaksak tayo sa likuran? Kung ganito ang kaibigan, hindi na natin kailangan ng kaaway.
Nirerespeto natin ang independent foreign policy ni Presidente, pero dapat independent talaga. And that includes China. Dalawa lang naman ang pagpipilian ng mga Pilipino sa ilalim ni Duterte — Gamitin natin ang mutual defense treaty at humingi ng tulong sa Amerika at maibalik ang impresyon na tuta nila tayo. At least nuong mga panahong’yon, hindi naman nila sinakop ang West Philipine Sea. Hindi rin nila inabuso ang likas na yaman duon. O kaya patuloy tayo na magpaabuso sa China, hayaang sakupin ang mga teritoryong inaangkin natin sa West Philippine Sea at tuluyan nang magpatuta dito gaya ng ginawa ng Cambodia. Kayo, ano pipiliin ninyo?