Medical marijuana
Halos kalahati sa mga estado ng Amerika, kabilang na ang Washington, D.C., ang nagsaligal na ng paggamit ng medical marijuana. Kadalasan ginagamit ito sa malalang klase ng epilepsy. Mahigpit lang ang US FDA (United States Food and Drug Administration) sa pag regulate nito, dahil ang heroin at cocaine, pwede itong abusuhin.
Merong sampung mga sakit na nailista kung saan nakakatulong ang paggamit ng marijuana para malunasan, kundi man, maibsan ang kirot at sakit na kanilang nararmdaman.
1. Multiple schlerosis – isang sakit na nakakaapekto sa utak at spinal cord.
2. Spinal cord injury – kadalasang sakit na nagpapaimbalido sa katawan
3. Spinal cord disease
4. Cancer – hindi po nagagamot ng marijuana ang cancer. Binabawasan nito ang paglala ng mga sintomas at kirot kaakibat ng sakit at napapaganda ang kalidad ng kanilang buhay
5. HIV/AIDS – nakatutulong ang marijuana para hindi lubusang bumagsak ang kanilang timbang at manatili ang sigla nila sa pagkain.
6. Arthritis o pamamaga ng kasukasuan – kaakibat ng pamamaga ang matinding pananakit ng namamagang bahagi ng katawan. Diyan nakatutulong ang marijuana.
7. Epilepsy – nababawasan ng paggamit ng marijuana ang bilang ng atake ng mga epileptic patients.
8. Inflammatory bowel disease – pamamaga ito ng daanan ng pagkaing tinunaw na ng katawan. Nalulunasan ng marijuana ang kirot.
9. End of life care o pallative care – ’yan yung mga sakit ng mga matatanda na nasa huling yugto na ng kanilang buhay. Ang mga kirot na nararamdaman nila dulot ng ibat-ibang sakit ay natutulungang maibsan ng marijuana.
10. Insomnia o hindi makatulog – Malaking tulong ang marijuana para makatulog ang isang may ganitong klase ng kondiayon para maging produktibong miyembro ng lipunan.
Dito sa Pilipinas, may panukalang batas na ini-aalok ang medical marijuana bilang opsiyon o pwedeng pagpilian para ang pasyente ay magamit ito. Merong mga safeguards para hindi ito maabuso gaya ng pagpapatunay ng doctor na kailangan ito ng pasyente bago siya mabigyan ng ID card para masuplayan ng medical marijuana. Meron ding mga compassionate centers na itatayo para magbenta at siyang opisyal na magsu-supply ng medical marijuana na pwedeng bilhan ng mga rehistradong pasyente.
Pangunahing dahilan ng Pangulong Duterte kung bakit niya binawi ang kanyang suporta sa medical marijuana ay ang posibilidad ng pagdami ng taniman ng marijuana at mahirapan ang gobyerno na ito ay masawata. Hindi marapat gamiting katwiran ang problema sa law enforcement o pagpapatupad ng batas para sagkaan ang panukalang medical marijuana. Ang solusyon sa pangamba ng pangulo ay sabihan ang PNP at iba pang law enforcement agencies na pagbutihin ang kanilang trabaho.
Nakakita na ho ako ng isang cancer patient na namimilipit sa sakit. Hindi niyo ho matatagalang tignan. Kung kayo ang kamag anak at mahal sa buhay, lahat gagawin ninyo para maibsan ang sakit na nararamdaman ng pasyente. Ilagay ninyo ang sarili ninyo sa kanila. Lahat gagawin ninyo para mapaganda kahit panumandali lamang ang nalalabing panahon ng kanilang buhay.