Konting kiling sa mga manggagawa, hindi masama
Kalahati ng yaman ng mundo ay kontrolado ng iisang porsiyento lamang ng populasyon. Yan ay batay sa pag-aaral ng Credit Suisse. Ang sumatutal na 280 trilyong dolyar, kalahati niyan ay pagmamay-ari ng iisang porsiyento ng populasyon. Merong 3.5B poorest adults na ang asset ay hindi lalagpas sa limandaang libong piso. Sila ang bumubuo ng 70 porsiyento ng populasyon sa buong mundo. Tunay na ang buhay ay hindi patas.
Merong mga rekumendasyon para matugunan ang tinatawag na economic inequality.
Una, taasan ang minimum wage.
Ikalawa, gawing progresibo ang taxation system. Pag malaki kita mo, dapat commensurate ang buwis na binabayad mo. Ang mga minimum wage earners ay exempted na sa pagbabayad ng buwis. Ang problema, na-vat-an tayo at na-train law, kung saan lahat, regardless of social class ay apektado. Marami pa rin sa mga malalaking negosyo ang tumatakas sa pagbabayad ng tamang buwis.
Pangatlo, Mamuhunan tayo sa edukasyon. Pagigihin ang pagaaral. Pag nagtapos ka with honors, malalaking kumpanya ang kumuha sa ito. Libre na ang pagaaral sa kolehiyo kung ikaw ay papasa sa mga panuntunan.
Pang apat, ay ang anti endo bill.
Sa tOtoo lang, meron na pong mga safeguards at proteksiyon sa kasalukuyang labor code. Sa ilalim nito, pag ang empleyado ay pinagtrabaho ng lagpas sa anim na buwan, dapat ay pinepermanente na siya. Ergo, lahat ng benepisyo ng isang permanenete empleyado ay marapat na ibigay na sa kanya. Ang problema, pinaiikutan ng mga kapitalista ang batas. Pinagtatrabaho lamang nila ng limang buwan tapos pagpapahingahin ng dalawang buwan at saka kukunin uli. Back to square one na naman.
Ang iba ay kumukuha sa mga manpower agencies para makaligtas sa panangutan ng benepisyo sa ilalim ng kasalukuyang batas. Ito ang nais tugunan sana ng anti endo bill sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga trabahong pwedeng ituring na labor only contracting. Ito na lamang ang aspetong pinagtatalunan. Sanay magkasundo na sila. Meron ding mga exemptions para maproteksiyunan ang mga maliliit na negosyo, mga MSMEs na siyang bumubuo ng halos mahigit nobenta porsiyento ng negosyo sa bansa. Huwag sanang gamiting proteksiyon ng mga malalaking negosyante ang proteksiyong ibinibigay natin sa maliliit.
Tama si Presidente, dapat balansehin ang interes ng manggagawa at mga mamumuhunan. Hindi naman kalabisan siguro, ginoong Pangulo kung bahagya tayong kikiling sa mga mahihirap para, kahit konti ay mabawasan ang tinatawag na economic inequality. Maliit na kabawasan lamang ito sa kontrolado yaman ng mga kapitalista sa buong bansa.