FIRING LINE: China pananagutin?

0
851

By Robert B. Roque, Jr.

Kung oobserbahan ay hindi mahirap mapuna na lalong lumalala ang hidwaan ng Amerika at China, lalo na kung pandemya ng COVID-19 ang paksa ng usapan.

Maging ang malalapit na alalay at iba pa ay pinagsabihan umano ni President Donald Trump na kailangang magbayad ang China ng bilyun-bilyong dolyar sa pandemya bilang kompensasyon.

Sa katunayan, ayon sa apat na senador mula sa administrasyon ng Amerika ay ilang opisyal nila ang nagsimula nang pag-aralan ang mga mungkahi kung paano parurusahan o hihingi ng kabayaran sa China sa pag-aasikaso nito ng pandemya ng coronavirus.

Ang katotohanan ay galit na si Trump at binabalak na alisin ang “sovereign immunity” ng China para maidemanda ito ng gobyerno ng Amerika at ng mga biktima at masingil ng danyos sa perhuwisyo na natamo.

Ayon sa Amerika ay nanahimik ang China at hindi ipinagsabi agad-agad sa buong mundo ang nangyayaring virus. Bukod dito ay nabigo raw ang China na kontrolin ang virus kaya mabilis itong kumalat.

Maging ang Australia ay pumasok sa eksena at nanawagan sa World Health Organization (WHO) na alamin kung paano nagsimula ang COVID-9.

Pero alangan namang hindi pumalag ang China at hayaan na lamang itong pag-atake sa kanila. Nagbabala na ang isang opisyal nila na baka ma-boycott ang mga estudyante at turistang galing Australia, pati na ang bentahan ng mga produktong karne at alak. Pati ang kalakalan ay malamang maapektuhan.

Posibleng lumala pa ang hidwaan nila at lumaki pa ang isyu sa mga darating na araw, lalo na’t patuloy na dumarami ang bilang ng mga naapektuhan at namatayan sa COVID-19 sa buong mundo.

Pero sa totoo lang, masisisi ba ang China samantalang sila man ay dumanas ng kahirapan at pagdurusa sa pagkalat ng sakit at ilan ding mga Tsino ang nasawi dulot nito?

Hindi sa kumakampi ako sa China pero ang pagkalat ng sakit ay mahirap naman talagang mapigilan, lalo na kung walang nakaaalam ng background ng naturang sakit.

Lahat tayo, ang buong mundo, ay nabigla at nabulaga sa pagkalat ng sakit. Walang handa rito kaya hanggang ngayon ay nagsasagawa ng mga pag-aaral ang iba’t ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas, kung paano ito mapipigilan.

Habang ang Amerika, Australia at iba pang mga bansa ay nagpaplano na panagutin ang China sa pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng paghingi ng danyos, asahan natin na hindi sasali ang gobyerno ng Pilipinas sa ganoong panawagan.

Nakatatawa at nakakainis isipin. Sa halip, tayo ay nagpapasalamat pa nga sa China dahil kung hindi sa pagkalat nito ng COVID-19 ay hindi tayo makatitikim ng ayudang medical sa kanila. Maraming salamat ha…

Maraming salamat, Best Friend!

                                        *              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here