FIRING LINE: POGO kober ng espiya?

0
567

By Robert B. Roque, Jr.

Posibleng pinalalakas ng China ang intelligence work nito sa ating bansa para maging handa sa anumang pangyayari at ginagamit ang Philippine Overseas Gaming Operators (POGOs) kaugnay nito.

Ito ang ipinaalala ni Senator Richard Gordon at kagaguhan na lang kung pababayaan daw natin mangyari ito. Alalahanin na China umano ang may pinakamalaking intelligence agency at mlyun-milyon ang ahente nito.

Ang isyu ay lumutang matapos mapatay ang Tsinong online gaming worker kamakailan ng mga kasapi raw ng pinaghihinalaang miyembro ng People’s Liberation Army (PLA).

Ibinunyag ng senador na mahiigt $160 milyon ang dinala ng ilang Tsino sa ating bansa mula Disyembre 17, 2019 hanggang Pebrero 12.

Ayon nga sa rekord ng Bureau of Customs ay may mga bisitang Tsino na na may dala ng aabot sa $5 milyon na ang katwiran ay para raw sa kasino at sa gagamiting puhunan.

Ayon naman kay Senator Franklin Drilon, dapat tutukan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang sino mang dayuhan na magdadala ng $10,000 papasok ng bansa.

Batay raw sa impormasyon ni Gordon ay makikitang ginagamit ng ilang Tsino ang bansa para sa laundering ng dirty money upang makaiwas na managot sa batas. 

Nabunyag din na may travel agencies na pinatatakbo ng mga Tsino ang nag-aalok ng lokal na mga passport, birth certificate at bank account sa kanilang mga kababayan sa WeChat bilang bahagi ng raket. Akalain ninyong nag-aalok din sila sa mga turistang Tsino ng pag-alis ng pangalan sa blacklist kapag hindi nakapasok, ayon kay Senator Risa Hontiveros.

Kung anu-ano na palang ilegal at ipinagbabawal ang hayagang inaalok online na maliwanag na pagpapakita na walang takot sila sa batas.

At dapat din lang pagtuunan ng mga awtoridad ang pagpupuslit ng ilegal na pera dahil hindi puwedeng gamitin ang ating bansa para maiwasan lang na managot sa batas. Maliwanag pa sa sikat ng araw na ipinagbabawal ito.

Kung totoo man na miyembro ng PLA ang mga nahuling suspek na pumaslang sa online gaming worker ay tiyak na hindi nila ito aaminin. Aminin man o hindi, peke man o hindi ang ID nila, malinaw na lumalala ang problema natin sa China.

Kung problema lang sa POGO ang pag-uusapan ay palawak nang palawak ang nabubuko kada pagdinig sa Senado. Kung anu-anong krimen ang nauungkat at nitong huli ay may Tsino nang namatay. Natural lang na sabihing kumokontra sila sa POGOs.

Kailangang kumilos nang agaran ang mga awtoridad upang maunahan ang anumang maaaring pinaplano ng China kaya nag-usbungan ang mga POGO na kaakibat ang iba’t ibang krimen bago pa ito tuluyang lumala at hindi na mapigilan.

May posibilidad nga ba na ginagawang kober ng mga espiyang Tsino ang POGOs tulad nang sinabi ni Gordon? Maging alerto tayo sa mga kaganapan sa paligid sa lahat ng oras.  Mahirap ang mabulaga.    

                                        *              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here