FIRING LINE: POGO busisiin, siyasatin

0
571

By Robert B. Roque, Jr.

Panahon na para busisiin at siyasatin ang takbo ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa bansa.

Ikinuwento ng 23-anyos na Taiwanese na si Lai Yu Cian sa harap ng mga senador kung paano siya nabiktima ng trafficking at pinagtrabaho na parang alipin sa isang POGO, ang industriya na ang mga pang-aabuso ay iniimbestigahan ngayon ni Senator Risa Hontiveros.

Ang gusto raw ng mga Tsino na nagpapatakbo ng POGO ay magtrabaho siya nang 24 oras. Sinabi niya na gusto na niyang umuwi sa Taiwan pero pinuwersa pa rin daw siyang magtrabaho at inalipin ng mga ito.

Protektado raw sila ng makapangyarihang taong gobyerno na nagngangalang Michael Yang, pero hindi pa tiyak kung ito rin ang dating economic adviser ni President Duterte na pareho rin ang pangalan.

Dumating daw si Lai sa bansa bilang turista at inalok magtrabaho bilang administration personnel ng POGO. Hind naman daw niya alam na illegal na negosyo ito. Si Lai ay isa sa 30 east Asians na nailigtas sa Mandaluyong noong Pebrero 3.

Ayon kay Teresita Ang See, chairperson ng Movement for the Restoration of Peace and Order (MRPO), sangkot din sa human trafficking ang ibang POGO firms. Bukod dito ay nakatali rin daw ang POGO sa illegal recruitment, illegal detention at sexual harassment. Sandamakmak na krimen pala ang kinasasangkutan ng mga POGO.

Noong isang buwan, natuklasan pa nga ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na mayroon palang prostitution dens na pinaglilingkuran ng mga babaing Tsino at Pinay teens na na-set up sa bansa para sa mga nagtatrabaho sa POGO.

*             *             *

Karamihan ng mga dayuhan na sangkot sa ilegal sa ating bansa ay wala talagang takot sa batas at inaakalang madali nilang mapaglalaruan ito.

Akalain ninyong ang karamihan sa 60 POGOs na lisensyado sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ay nabigong magbayad sa gobyerno ng higit-kumulang P50 bilyon withholding income at franchising taxes noong 2019, ayon na rin sa taga-Bureau of Internal Revenue (BIR).  

Sa naturang 60 POGOs, 50 ang online casino operators na nakabase sa abroad samantalang ang 10 ay nakabase sa Pilipinas. Pero ang maliwanag, silang lahat ay hindi nagbabayad ng buwis.

Ayon sa taga-BIR ay plano nilang habulin ang mga POGO na itong tinakasan ang responsibilidad nila sa gobyerno.

Ang problema ay kung maraming taong gobyerno silang hawak na lagi silang sinasagot sa oras na may problema.

May mga dayuhan nga na may hawak nang working visa kahit nasa China pa sila bago pa lumipad papuntang Pilipinas. Kaninong mabuting kamay nila nakuha ang mga ito?

*              *              *                            

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here