BANGON NA BAYAN By Joel Reyes Zobel

0
800

Next, please…

Nicanor Faeldon, Ronald “Bato” dela Rosa, mga matitikas na pangalan sa larangan ng integridad at katapatan — mga tauhan na ipinagmamalaki at pinagkakatiwalaan ni Pangulong Duterte na maitatawid ang kanyang kagustuhang ituwid at palakarin ng malinis ang gobyerno; mga taong parehong nasira matapos ilagay sa Bureau of Corrections.

Bagama’t ang kalokohan ay pumutok sa ilalim ng pamumuno ni Faeldon, hindi maiiwasang isipin na nangyari rin ito sa panahon ni Bato dela Rosa sa BuCor. Swerte pa rin si Bato. Kung nadiskubre ang GCTA (good conduct time allowance) bago mag-eleksiyon, malamang hindi ho siya naging senador.

Nitong Huwebes, binanggit ni Senador Bong Go sa aming panayam ni Weng Salvacion, naniniwala daw si Pangulong Duterte na hindi kurap ang dalawang opisyal. Ang naging problema lang nila ay napaikutan sila ng kanilang mga tauhan. Kumbaga, lahat ng tao sa kanilang ilalim ay kurap, sila lang ang hindi. Mawalang galang na po sa kanilang dalawa, dahil marami mga Pilipino ang naniniwala na ang kurap at inkompetente ay walang halos ipinagkaiba. Pero, hindi niyo naman sila lubusang masisi dahil nadatnan na nila ang sistema.

Nabunyag ang testimonya ni dating BuCor chief Rafael Ragos nitong makailang araw ang sari’t-saring raket at kalokohan sa loob ng Bilibid – pagpasok ng babae, 24 oras na sugalan, pangungupit sa pondo sa pagkain, pagpapatakbo ng iligal na droga, at kung anu-ano pa. Yung isyu ng pasalubong sa mga bagong upong Bucor chief – hindi mo naman hinihingi, pero dumadating na lang sa tanggapan mo ang pera. Ang tara sa mga bigtime inmate ay isandaang libo bawat isa kada linggo. Ilan ba sila doon? Sabi ni Ragos noong kanyang panahon, nasa labing pito. Siyempre, yun lang ang sabi ni Ragos, pero I’m sure it was understated. That’s close to two million a week. Manliliit ang kurapsiyon sa Customs kung ikukumpara sa kurapsiyon sa BuCor.

Maaaring mapatino ang pagpapatakbo sa Bilibid, pero hindi sa madaling hinaharap. Bakit? Nakalatag na po ang masamang sistema diyan. Ang nagpapatakbo sa BuCor ay hindi ang gobyerno. Ang nagpapatakbo sa BuCor ay hindi ang mga tauhan na inilalagay nila doon. Ang nagpapatakbo sa BuCor ay ang mga bigtime convicts. Ang mga tao ng gobyerno ay tumatanggap lamang ng ganansiya mula sa mga convicts na nagdidikta kung paano patatakbuhin ang Bilibid.

Heto ang ilang mga rekumendasyon, kung sakaling seseryosohin ng gobyerno na patinuin ang palakad dito.

Una, ibalik natin ang death penalty. Kung merong death penalty, hindi na natin poproblemahin sa “ob-lo” ang mga heinous criminals. Mga low-risk convict na lang ang itira natin sa Bilibid. Makakatipid pa sa pondo ang gobyerno, at the same time, mataas ang posibilidad na sila ay mapagbago natin; ergo, makabalik sila sa mainstream at maging produktibong miyembro muli ng lipunan.

Ikalawa, magdevelop tayo ng bagong Bilibid community na malayo sa kalunsuran, maganda ang pasilidad (total, reformation naman ang pakay natin). Ang Dapat sa kasalukuyang bilibid ay sunugin hanggang sa tuluyan itong maabo, para mawala na ng tuluyan ang mga kubol at kontrabando sa loob. Malaking pera ang kakailanganin para sa hakbang na ito. Pwede tayong mag abono muna tapos ibenta natin ang muntinlupa. Prime property po yan at maibebenta sa magandang halaga na maaaring pampuno sa ating inabono.

Ikatlo, hindi ito isyu ng taong magpapatakbo ng matino. Ito ay isyu ng sistemang matino na patatakbuhin ng tao. Maglatag ka ng correctional system na ligtas sa kurapsiyon, ligtas sa human intervention.

Naghahanap daw ang Pangulong Duterte ng matino, tapat na tao para pumalit kay faeldon at patakbuhin ng maayos ang BuCor. Good luck Mister President. Pero ako’y duda na makakahanap ka. Ang lahat ng tao ay nagtataglay ng tinatawag nating “human nature.” Ang kadamutan, kabulukan, karahasan at kasamaan na naguugat sa tinatawag nating human nature ang dahilan kung bakit ang mundong ibabaw ay windang. Ang taong mapipili ng pangulo ay ang susunod na halimaw na hindi mamataymatay. Siya ay kakainin din ng sistema. Ang dapat na lamang nating abangan ay ito, hanggang sa susunod na kontroversiya. Hanggang sa susunod na taong ipapalit na kakainin din ng sistema. Next please.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here