FIRING LINE by Robert B. Roque, Jr.

0
875

Ekstradisyon

Isang paraan para mapanagot ang mga Tsino na sumalpok at nagpalubog sa bangka ng 22 mangingisdang Pinoy sa Recto (Reed) Bank sa West Philippine Sea ay ang ekstradisyon.

Ito ay ang paghiling natin sa gobyerno ng China na pabalikin sa ating bansa ang Chinese crew na responsable sa paglubog ng bangkang Pinoy.

Ayon kay Senator Richard Gordon, dapat sabihin ito ng ating mga opisyal sa International Maritime Organization na nakabase sa United Kingdom upang mabigyang-diin ang karapatan natin na ma-extradite ang Chinese crew. May extradition treaty pala tayo na kapwa niratipikahan ng Pilipinas at China.

Itinatanggi ng China na sinadyang banggain ang bangka ng mga Pilipino. At natakot lang daw silang iligtas ang mga mangingisda natin dahil baka kuyugin sila ng ibang mga bangkang Pinoy sa lugar.

Matapos makipagkita at makipag-usap sa opisyal ng administrasyon ay nagbago rin ang pahayag ng kapitan ng bangkang Pinoy at hindi na raw alam kung sinadya o hindi ang pagbangga sa kanila.

Totoo man o hindi na sinadya ang pagbangga ay maliwanag pa sa sikat ng araw na pinabayaan at inabandona ng ilang Tsino ang mga mangingisdang Pinoy na iniwan nilang palutang-lutang sa laot.

May nagsasabi rin na hindi mangingisda ang bumanggang Chinese crew kundi mga militia o pribadong sundalo na kumikilos nang may basbas ng mga awtoridad o armed force ng isang bansa. Kung totoo ito ay posibleng sinadya nga ang pagbangga.

Nagpahayag si Vice President Leni Robredo na ang crew ng Chinese vessel na nagpalubog sa bangkang Pinoy ay dapat litisin dito sa ating bansa. Dito raw naganap ang kanilang kapabayaan kaya ang korte natin ang nararapat makakuha ng hurisdiksyon upang matamo ng 22 Pinoy na mangingisda ang hustisya.

Noon pa ay inaasahan ng marami na lalala ang sitwasyon ng pang-aabuso ng ilang Tsinong mangingisda at pati na ng Chinese Coast Guard sa ating mga mangingisda dahil masyadong maluwag ang mga opisyal ng administrasyon sa kanila sa isyu ng hidwaan sa pagmamay-ari ng teritoryo.

Hindi ba nila alam na habang patuloy nating kinukunsinti ang pang-aabuso ng China sa ating mangingisda ay nababawasan ang paggalang ng mga ito sa ating mga batas hanggang sa mistulang tuluyan na nilang binabalewala ito?

Panahon na marahil para pag-aralan at timbangin ni President Duterte at ng kanyang mga opisyal ang pakikipag-ugnayan sa China at tingnan ang bagay-bagay sa pamamagitan ng mga mata ng mga kababayang inapi, lalo na ang mga mangingisdang muntik magbuwis ng buhay dahil sa kapalpakan ng ilang Tsino na mangingisda o kaya ay militia.

Ipagtanggol ang dignidad ng bansa at bawat Pilipino.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

——————

Editor’s Note: Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin’s tabloid TEMPO in 1983. In 1989, at age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, the online news site Beyond Deadlines, and now for THEPHILBIZNEWS.COM. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012. His column appearing here regularly will be written in Filipino on Tuesdays and in English on Thursdays.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here