By Robert B. Roque, Jr.
Buong puso tayong sumasang-ayon sa desisyon ng gobyerno na huwag munang payagan na pumasok ang mga estudyante at magsagawa ng face-to-face learning. Tama ang kanilang desisyon dahil lubhang mapanganib at nakamamatay kapag nagsimula nang magkahawa-hawa ang mga tao bunga ng COVID-19.
Nakikiisa tayo dahil katigtasan at kalusugan ng estudyande at tagapagturo ang nakataya. Kapag nandiyan na ang bakuna ay okey na ang magturuan at mag-aral sila. Dapat matiyak muna ang bagay na iyon upang makalma ang pag-aalala ng mga magulang.
Ang distant learning na ito ay tatawagin ngayong blended learning para sa mga walang gamit na pang-internet, may mga printed na module na idedeliber sa mga bahay ng mga taga barangay. Ang online learning platform ng Department of Education (DepEd) ay may 7 million subscribers kung saan ang aralin ay madaling makukuha ng mga guro at magulang.
Nagsagawa ng survey ang DepEd kung saan natuklasan na mahigit 700,000 ang may laptop at desktop. Sa mga bahay na walang koneksyon sa internet, ang 15 porsyento ng airtime sa telebisyon ay dapat ilaan sa aralin ng bata. Nakikipagtulungan na ang DepEd sa ibang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng IBC-13 para rito.
Sigurado naman na lahat tayo ay hindi handa dahil pumapasok tayo sa panibagong pintuan ng paglaban sa COVID-19 .
Ang kailangan lang dito ay ang pagtutulungan ng lahat para magtagumpay. Marami pa tayong balakin na inaasam para sa bansa. Pero ang lahat ng ito ay mababalewala kung masisira ang kinabukasan ng mga kabataan dahil sa COVID-19.
Huwag nating alisan ng oportunidad ang mga kabataan na makapag-aral. Pero alalahanin pa rin ang kaligtasan at kalusugan nila na dapat mapangalagaan sa lahat ng sandali, lalo na sa panahon ng krisis tulad nito. Edukasyon man ang susi ng tagampay, alalahanin na mas mahalaga pa rin ang buhay at kaligtasan ng tao.
Laging isaisip na walang bago sa mga aralin. Ang tanging bago lamang ay ang pamamaraan ng pagpapatupad ng edukasyon. Kung kailangan na maghawak-kamay sa laban na ito ay gawin ng lahat para magtagumpay tayo.
Dapat maging buo rin ang tiwala natin sa gobyerno sa laban na ito. Ginagawa nila ang lahat para mapangalagaan ang publiko. Kapag sinabi nilang manatili sa bahay ay manatili tayo sa loob. Makikita natin na sa bandang huli, tayong lahat din ang makikinabang at magkakasamang magtatagumpay.
Wala naman sa atin ang gustong magkasakit ng COVID-19 o mahawahan ng demonyong virus na ito, tama ba?
                             Â
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.