FIRING LINE: Gawa nga kaya sa China ang virus?

0
610

By Robert B. Roque, Jr.

Tulad nang ilang ulit na niyang ipinakita ay muling ipinamalas ni President Duterte na siya ay tunay na kasangga ng China.

Ito ay nang matsismis na ang pinangangambahang sakit na coronavirus 2019 (COVID-19) na nagpahinto sa galawan sa buong mundo at nagpabagsak sa ekonomiya ay posibleng isang uri ng bioweapon na nilikha sa laboratoryo nito.

May natanggap daw na note si Duterte mula kay Chinese President Xi Jin Ping na nagpapahayag ng buong pagsuporta nito sa Pilipinas at ang pananatili nating malapit sa kanilang bansa sa kanilang dinaraanan.

Sino nga namang bansa ang maghahangad na makalikha ng mikrobyo na pupuksa sa sangkatauhan, kabilang na ang sarili nitong mga kababayan? Mahirap nga isipin na mayroong ganitong bansa maliban na nga lamang kung ito ay isang aksidente sa laboratoryo.

Hindi naman ito bago para sa Pangulo dahil noon pa man ay hindi na niya itinago kanino man ang pagiging malapit niya sa China, na ikinagagalit ng oposisyon at mga kilalang kalaban ng administrasyon.

Pero sa paniwala si Duterte kung halimbawang totoo ito ay wala tayong magiging problema. Sa anumang oras ay magiging prayoridad tayo sa kadahilanang malapit tayo sa naturang bansa. Ang magkakaproblema ay ang ibang mga bansa.

Nagsimula ang pandemic sa Wuhan City sa lalawigan ng Hubei sa China. Mabilis itong kumalat sa buong mundo at libu-libo na ang nasawi bunga ng sakit na ito.

Noong Pebrero ay sinulatan ni Duterte si Xi at nagpahayag ng kanyang suporta sa dinaraanan nitong COVID 19.  Marahil, dahil sa hindi nagbabago ang pakikitungo natin sa China kaya nananatiling mabango tayo para kay Xi.

Ngayon natin nakikita ang magandang resulta na mga naitanim ni Duterte sa relasyon natin sa China. Pero ito ay kung totoo na nilikha ang virus sa isang laboratoryo ng China.

Pero kung natural man nagmula ang virus, galing sa laboratoryo bilang bioweapon o ano pa man, iyan ay dapat imbestigahan ng United Nations. Iyon nga lamang, bago pa matapos ang problema at lumabas ang katotohanan ay malamang na tapos na ang epidemya.

Ang dapat linawin dito ay kung may coverup o pagtatakip ba ang China sa outbreak ng virus at ano ang dahilan nito? Bakit huli na nang abisuhan nila ang World Health Organization (WHO) at ang buong mundo?

Kumalat na tuloy ang COVID-19 sa iba’t ibang lupalop ng mundo bago sila makapagbigay ng kinakailangang babala.  

Totoo rin kaya na kinokontrol ng China ang bilang ng lumalabas na biktima at pinipigilan ang mga ospital sa pagre-report ng katotohanan ukol dito?

Itinaas ng China kamakailan ang bilang ng nasawi sa virus nang 50 porsyento. Dinagdagan ng 1,290 ang bilang ng namatay sa Wuhan para maging 3,869 ang kabuuan, at sinabing kapalpakan ang unang naulat. Mukhang pinalalabas nila ngayon na kamalian ang pag-uulat at hindi pagtatakip.

Mahalaga rin marahil na imbestigahan ang WHO sa ginagawa nilang pag-handle nitong virus.

                                        *              *              *                            

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here