By Robert B. Roque, Jr.
Tulad nang ilang ulit ko nang sinabi, purihin natin ang dapat papurihan.
At sa panahong ito ng krisis na dulot ng pesteng coronavirus (COVID 19), hindi ko maiiwasang purihin ang mga tinatawag na “frontliner” na nagsisikap tumulong sa mga nabiktima para labanan ang naturang sakit kahit na malagay pa sa alanganin ang sariling buhay at kaligtasan.
Sila ang mga doktor, nurse, medical worker, pati mga helper at lahat-lahat na nagtutulungan para sa kapakanan ng mga biktima.
Lalo na ngayon na ilan sa kanila ang nagkasakit, nag-alay ng sariling kaligtasan hanggang sa masawi para matulungan ang mga biktima.
Hindi ko na iisa-isahin ang pangalan ng mga sinawimpalad na biktima na binawian ng buhay. Panalangin ko lamang ay magwakas na ito sa 10 at huwag nang madagdagan pa.
Nagpakahirap na nga sila para matulungan ang mga nagkasakit, kailangan pa ba nilang isakripisyo ang kanilang sariling buhay?
* * *
Pero ang hirap ay may mga tao tayo na walang pakialam sa pagsisikap ng health care workers (HCWs) at nagagawa pa silang hulihin kapag nakagawa ng paglabag sa ipinatutupad na patakaran sa enhanced community quarantine.
Halimbawa na rito ang magkapatid na hinuli ng mga awtoridad dahil magkaangkas sa motorsiklo kahit na ipinagbabawal ito bunga nang hindi nasusunod ang social distancing o ang pagkakalayo-layo nang hindi bababa sa isang metro o tatlong talampakan.
At ang lalong masaklap, kinabukasan ay nalaman nila na para mabawi ang kinumpiskang lisensya sa pagmamaneho ng motorsiklo ay kailangan nilang magbayad ng P5,000, na kalahati na ng buwanan nilang suweldo?
Nagsasakripisyo na nga sila sa pagtulong sa mga biktima ng COVID-19 ay ginaganito pa ng kanilang kapwa?
Paano kung madala sila sa pagtulong dahil sa pangyayaring ito? Ano ang gagawin ng mga humuli sa kanila? Sasagutin ba ng mga humuli ang mga may sakit na hindi nila matutulungan?
Alalahanin na araw-araw ay malaki ang nadaragdag sa bilang ng mga may sakit o nahawahan ng COVID-19, gayun din ang mga nasasawi, kumpara sa mga gumamagaling na kakatiting lamang.
Inaamin ko na lubhang delikado ang COVID-19 at posibleng magkahawa-hawa agad ang mga tao sa sakit kaya kailangang ang mahigpit na pagpapatupad ng social distancing.
Pero alalahanin sana natin na may mga pagkakataon na dapat sana ay matuto tayong umunawa, lalo na sa mga tao na humaharap sa krisis at nagsasakripisyo nang malaki, kahit na buhay pa minsan ang kapalit, para na rin sa kapakanan ng kanilang kapwa.
Marami ang nagalit sa nangyari at nagtanong kung kailangan ba talaga ang hulihin at panagutin ang magkapatid na “frontliners” sa nagawang paglabag?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.