By Robert B. Roque, Jr.
Hindi maiiwasan na na may iilang mangamba, kumontra o hindi sumasang-ayon sa utos ni President Duterte na isailalim sa community quarantine ang buong Metro Manila.
Nagbabala nga si Senate President Vicente Sotto III na kapag inihiwalay o ibinukod ang Metro Manila sa ibang mga lungsod o lalawigan ay puwedeng magresulta sa pagpa-panic ng mga mamamayan at pagho-hoarding ng mga bilihin.
Noong isang linggo ay inanunsyo kasi ni President Duterte sa buong bansa ang pagsasailalim sa Metro Manila sa community lockdown, pagpapalawig ng suspensyon sa klase ng mga estudyante, pagsususpinde sa pagbibiyahe sa kalupaan, karagatan at himpapawid papasok at papalabas dito simula Marso 15 hanggang Abril 14, 2020 upang makontrol ang pagkalat ng COVID 19 sa ibang bahagi ng bansa.
Naniniwala si Sotto na kalabisan ang naging reaksyon dahil kapag nagkaroon ng hoarding ay magkakaroon ng kakulangan ng mga supply. Kapag nangyari ito ay posibleng magtaasan ang presyo ng mga bilihin.
Ang lubhang maaapektuhan nga naman dito ay ang mga kapos-palad at mahihirap na hindi kayang makipagsabayan ng billihan sa mga may pera.
Pero hindi naman dapat mag-alala sa bilang ng mga bilihin dahil ayon sa mga awtoridad ay nananatiling sapat ito sa merkado. Bukod dito ay hindi pipigilan ng mga awtoridad ang pagpasok ng mga produkto sa Metro Manila.
Ang isa pang pangamba ng mga mamamayan ay ang posibleng pang-aabuso ng mga pulis at mga sundalo kapag nasa checkpoint ng National Capital Region na posibleng magresulta sa pagkakaaresto ng mga sibilyan kung sa palagay nila ay hindi ito sumusunod sa patakaran.
Kaya ang maipapayo ko sa mga mamamayan ay makabubuting sumunod nang husto sa mga patakaran, sa mga awtoridad at huwag silang lalabag para na rin sa kanilang kaligtasan.
Mahirap na dahil baka nasanay na ang mga naka-uniporme sa mabilisang pag-aresto sa kaisipan na basta naghihigpit sila ay may martial law. Makabubuting umiwas na tayo sa gulo hangga’t maaga.
Naniniwala naman ang World Health Organization (WHO) na tama lang na isailalim sa lockdown ang buong Metro Manila. Mayroon nang mga nasawi at araw-araw ay nadaragdan ang mga nagkakasakit nito.
Mag-ingat sa mga sintomas ng COVID 19. Kung nakararanas ng pananakit ng katawan, hirap sa paghinga, sipon, sore throat o diarrhea ay makabubuting magpatingin na agad sa pinakamalapit na health center o ospital. Lagi ring maghugas ng kamay.
Ako man ay sumasang-ayon na tamang hakbang ang lockdown. Tama iyong ginawa natin laban sa virus. Kailangan din magsakripisyo ang mamamayan at pati ang ekonomiya. Laging alalahanin na mas mahalaga ang buhay kaysa pera kailan man.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.