By Robert B. Roque, Jr.
Bilyun-bilyong piso pala ang kinikita bilang kickback ng mga tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration (BI) umano kapalit ng pagpapapasok sa Chinese nationals na handang magbayad ng P10,000 bilang service fee bawat isa.
Ibinunyag ito ni Senator Risa Hontiveros sa pagdinig sa pagpapatuloy ng Senate investigation sa mga krimen na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) na namamayagpag dito sa bansa.
Ang modus pala ay idinadagdag ang halagang P10,000 sa visa fee para maging walang sabit ang pagpasok nila sa bansa. Noong mga panahon na wala pang sobre, ang estilo ay inilalagay ang pera sa bond paper at inirorolyo na parang pastilyas.
Sa katunayan nga, hanggang ngayon ay pastilyas pa rin ang tawag daw rito kahit hindi na nirorolyo sa papel at ipinapasok na lang sa brown envelope.
Ang P2,000 daw sa P10,000 ay pinaghahatian sa level ng airport. Ang 23 porsyento nito o P470 ay napupunta sa duty immigration supervisor; 32.5 porsyento o P650 sa immigration officer; 14 porsyento o P280 sa Travel Central and Enforcement Unit; 12 porsyento o P240 sa border control and intelligence unit; 13 porsyento o P260 sa operasyon (admin o clerical na nagtatrabaho); at limang porsyento o 100 sa terminal head.
Bago pa makarating sa airport, ang P8,000 ay naipamamahagi naman sa Chinese tour operator, sa kakontratang local tour operator at sa sindikatong magdo-downstream nito sa airport.
Ayon kay Hontiveros, sinabi raw ng kanyang impormante na mas lumakas ang ganitong modus dahil sa libu-libong POGO workers na dumarating sa bansa araw-araw.
Natural, tahasan itinanggi ng mga opsisyal ng Immigration na naroon sa pagdinig na alam nila ang naturang raket. Tiniyak nila ang pagpapatupad ng mga reporma upang maiwasang mangyari ang ganitong korapsyon sa ahensya.
Sino ang bobolahin nila? Kung talagang seryoso sila sa pagpapatupad ng mga reporma at pagpapatino ng sistema ay matagal na sanang nagkabukuhan at nabunyag ang pastilyas raket.
Ayon na rin sa BI, 1.8 milyong mga Tsino ang pumasok sa Pilipinas sa mga nakalipas na taon. Akalain ninyong ang laking pera pala ang pumapasok sa bulsa ng mga demonyong tiwaling opisyal na ito taun-taon.
Pero ang P10,000 dagdag sa visa fee ay maliitan pa pala. Akalain ninyong nabalita na habang bumibigat ang krimen na kinasasangkutan ng Tsino ay mas malaki ang pera na iminumudmod nito sa tiwaling opisyal.
Sa madaling salita, nagmumula ang puwedeng kitain ng tiwaling opisyal sa P50,000 pataas hanggang milyun-milyong piso na ang pinag-uusapang halaga.
Lintek na talaga ang katiwaliang nagaganap sa ating paligid. Basta puwedeng pagkakitaan ay pagkakaperahan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.