FIRING LINE: Kulang sa responde sa emergency

0
714

By Robert B. Roque, Jr.

Hindi maitatanggi na kulang na kulang ang ating gobyerno sa emergency protocols at lalong lalo na sa pagresponde sa panahon na may medikal na krisis.

Maliwanag na halimbawa na rito ang kapalpakan nila sa pag-aasikaso ng sitwasyon nang bumulagta ang isang Koreano sa Taft Avenue malapit sa  Remedios Street sa Ermita, Maynila kamakailan.

Maraming tao nga na nakipag-umpukan sa paligid pero karamihan dito ay nag-uusyoso lamang at halatang takot lumapit sa isang tao na nangangailangan ng tulong.

At ang lalong masaklap ay walang dumating para magbigay ng agarang tulong kahit tinawagan ang Ospital ng Maynila, San Lazaro, Red Cross at pati ba naman sa Manila Police na inaakala ng marami na handang tumulong sa lahat ng tao sa lahat ng oras.

Masakit isipin at matuklasan na wala palang maaasahan sa mga pinagkakatiwalaan at inaasahang tao sa gobyerno sa panahon na may tunay na medical emergency at sadyang kinakailangan ang tulong nino man.

Hindi ito maitutuing na biru-biro lalo na’t may umiiral na novel coronavirus (nCOV) sa ating paligid at damay rin kahit ang buong bansa.

Ang totoo ay marami ang dismayado, nag-alala sa sitwayson at nagalit sa gobyerno dahil sa pag-handle nila ng dissemination of information sa publiko.

*             *             *

Pero kung may hindi gaanong napupuna ang mga mamamayan, ito ay ang magiging epekto ng krisis sa virus sa ekonomiya ng bansa, lalo na’t may travel ban sa China na isa sa mga bansa na may pinakamalaking kontribusyon sa ating turismo.

Kung magpapatuloy ang kontaminasyon hanggang Hunyo, inaasahang aabot ng 0.3 porsyento  ang kabawasan sa gross domestic product. Kung aabot ito ng Disyembre, 0.7 porsyento o halos P133 bilyon ang mababawas sa P19 trillion ekonomiya ng Pilipinas. Kung lalala pa ang sitwasyon ay mag-iiba na naman ang naturang mga numero.

Matindi ito dahil ngayon pa lang ay nadarama na ang epekto ng nCOV. Inaasahang matatapyasan ng P11 bilyon ang ekonomiya sa loob lamang ng isang buwan.

Kung tutuusin, halos hindi pa tapos ang krisis sa Taal, hindi pa nakababawi ang mga mamamayan, ay heto na naman ang panibagong problema.

Nang pumutok ang Bulkang Taal noong isang buwan, 20 hanggang 40 porsyento ang nagkansela ng bookings sa mga hotel at resort sa loob at paligid ng Tagaytay City. Isipin na lang kung magkano na ang nalugi sa kanila.

Maliwanag na hindi maganda ang bungad ng taon sa ekonomiya ng bansa. Hindi natin alam kung gaganda o lalo pang sasama ito. Pero ang kailangan ay ang magpakatatag at huwag tayong masisiraan ng loob kahit na gaano kabigat ang problema na ilatag ng kapalaran sa ating harapan.

                                        *              *              *                            

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here