By Robert B. Roque, Jr.
Hindi pa man dumarating ang maalinsangan na panahon ng summer ay nag-uumigting naman ang init ng mga bold show sa Pasay.
Sa dinami-rami ng honky-tonk bars sa binansagang “Sin City”, dalawang malalaking club ang pinakasikat sa pagtatampok ng malalaswang show at nag-aalok ng mga batambatang babae na puwedeng i-“takeout” ng mga dayukdok na kostumer, gaya ng pagkain sa restaurant. Nariyan ang Universal KTV sa F.B. Harrison Street at Titan Z bar sa Macapagal Avenue, kapwa pag-aari ng dalawang Hapones.
Ang Universal KTV, o Miss Universal (MU) na dating tawag dito, ay may ilang beses nang ni-raid ng National Bureau of Investigation (NBI) at minsan ng Southern Police District (SPD) sa loob ng maraming taon, mula nang mapailalim ito sa pagmamay-ari ng isang Hapon na nagngangalang “Mr. Suzuki” sa pamamagitan ng dummy niyang Pilipino.
Ang pangalan ng club ay sumailalim na sa ilang pagbabago mula Miss Universe at Miss Universal patungong Universe Girls Club at nitong huli, Universal KTV, sa tuwing ito ay sasalakayin ng NBI o ng pulis at mapa-padlock, na gimik lang umano para maipakita na ito ay iba at bagong establisimiyento.
Pero sa kabila ng pagbabago sa pangalan, ang mga pagmamatyag na isinagawa ng awtoridad ay nagpakita umano na ang club ay patuloy sa pagtatanghal ng malalaswang palabas at paglalako ng babae, kabilang na mga menor de edad, sa mga hayok na dayuhan at Pilipino para sa panandaliang aliw kapalit ng pera sa loob ng VIP rooms o sa labas ng club, kaya sila nare-raid.
Ang Titan Z naman ay pag-aari ng Hapon na si Kenji Akiba. Doon ay sabay sa saliw ng musika ang lantarang paghuhubad ng mistulang nag-iinit na babaing performers. Tulad ng MU, puwedeng i-“takeout” ang mga nang-aakit na babae kundi man magparaos ang mga kustomer sa loob ng VIP rooms.
Sabi ng ating espiya na kamakailan lamang ay “dinalaw” ito ng mga kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) upang imbestigahan ang diumano’y pandaraya nito sa pagbabayad ng buwis.
Parang walang alam ang city hall at headquarters ng pulis sa ilegal na aktibidad ng Titan Z at lalung-lalo na ng MU, kahit ilang daang metro lang ang layo nila sa club.
Marami tuloy ang nagdududa na kinukunsinti ng pulisya ang bars na ito sa hindi malamang dahilan.
Pero kahit na mag-raid gabi-gabi ang mga pulis ay patuloy na mamamayagpag ang prostitusyon kung ang kababaihang sinasamantala ay agad pinalalaya sa tuwing maaaresto, at ang mga club na pinagtatrabahuhan nila ay patuloy na umaandar.
Nananawagan ang Firing Line kay NBI Director Dante Gierran, Brigadier General Nolasco Bathan, SPD chief; at Colonel Bernard Yang, Pasay police chief, na pakilusin ang kani-kanilang puwersa para matigil na ang malaswa’t ilegal na operasyon ng mga ito.
I-padlock nang tuluyan ang MU at Titan Z at huwag hayaang magbukas muli.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View