By Joel Reyes Zobel
Isa sa mga binigay na dahilan ng Arroyo administration kaya nila pinalawig ang concession agreement ay para ikalat ang taas singil base sa kasunduan sa maraming taon. Ang katwiran noong 2009, kung gagawin ito sa loob ng mga nalalabing taon ng kasunduan na magtatapos ng 2022, masyadong malaki at mabigat sa gastusin ng mga consumers ang taas singil. Kaya ini- extend ito hanggang 2037.
Ang basis niyan ay ang dating kasunduan na ayon sa Malacañang ay maraming mga tagilid na probisyon na dehado ang gobyerno. Hinayaan lamang ng mga nakalipas na administrasyon na magpatuloy ang dispalinghadong kontrata. Hindi nagkaroon ng political will na ito ay ipahinto. Change has come, sa ilalim ng administrasyong Duterte, well at least sa usapin ng tubig.
Kudos to the President. Isa sa mga bunga ng pagrebisa sa kontrata ay ang pagkansela sa extension nito hanggang 2037. Ako po ay naniniwala na ang pagpapalawig ng kontrata ay marapat na muling pag aralan. pero hindi naman nangangahulugan na agaran itong kanselahin. Bakit?
Una, nagpakita na ng good faith ang mga water conceasionaires sa pamamagitan ng pagsasabing hindi na nila sisingilin ang P11B award sa kanila ng permanent court of arbitration. Merong pangangailangan na magpakita rin ang gobyerno ng good faith.
Ikalawa, totoo namang naglagak na ng malaking puhunan ang mga konsesyunaryo para pagandahin ang serbisyo ng tubig. Marapat na sukatin ng regulatory board ang sapat na singilin para makatwiran silang makabawi sa kanilang puhunan. Maaaring hindi 15 years pero there should be a considerable number of years of extension para sila makabawi ng puhunan. That is just fair business.
Ikatlo, sabi ng MWSS na ipabi-bid nila sa ibang kumpanya ang pagsu-supply ng tubig after 2022. Sa aking palagay ay dapat irekunsidera ng MWSS ang desisyong ito dahil malaki ang bentahe ng mga kumpanyang meron ng nakalatag na imprastraktura gaya ng dalawang konsesyunaryo kumpara sa mga new players na magsisimula sa baba. Baka kung sino lang putok sa buhong mga kumpanyang malakas sa kasalukuyang gobyerno ay mabigyan ng concession.
Makabubuti ba sa pangkalahatan ang tuluyang pagkansela sa concession extension? Panahon lamang po ang makapagsaaabi niyan. Pagdating ng panahong iyon, huwag sana ang consumers ang magsakripisyo dahil sa mga desisyong hindi lubusang napag isipan. Hinihimok natin ang magkabilang panig na magkaroon ng bukas na isipan patungkol sa napakahalagang usapin ng tubig…