By Robert B. Roque, Jr.
Tunay na nagiging kontrobersyal at umiinit ang naglalabasang balita ukol sa paligsahan ng palakasan sa ika-30 Southeast Asian Games (SEAG) sa ating bansa.
Sinimulan ang isyu sa cauldron, umabot sa kikiam, unfinished facility at balita ukol sa restroom. Ang katwiran nila ay umabot ng P50 million dahil kasama ang underground mechanism para sa fuel, site development, gagamiting krudo, disenyo at layout.
Pero overpriced man o hindi ang cauldron, ang tanong ay karapat-dapat ba na magtayo ng kawa na aabot nang P7 milyon ang halaga at pansunog na umaabot sa P50 milyones na isang beses lang gagamitin?
Puwede sanang magamit ang ganu’n kalaking halaga sa mga proyektong nakalaan para sa mahihirap o nangangailangan.
Nagsimula ang linggo patungong SEAG na naghihintay nang mahahabang oras ang football teams sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at kinakansela ang practice dahil ang training grounds nila ay matatagpuan sa Biñan, Laguna na 38 kilometro ang layo sa hotel.
Bagaman masasabing ang kapalpakan sa pondo ay bahagi ng pagho-host ng event, ang major sporting venues tulad ng Rizal Memorial Sports Complex at Philsports Arena ay under construction pa isang linggo bago sagawa ang SEA Games – na maliwanag na senyales na hindii pa tayo preparado nang husto sa ganitong okasyon.
Ang ibang kapalpakan ay maaga naman naayos, tulad nang pinag-usapang kikiam para sa agahan ng mga atleta na sa paliwanag ng hotel management ay lumabas na chicken sausage pala.
Pero saan nga ba tayo pumalpak? Ang sinisisi ng marami ay ang Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) na pinamumunuan ni Speaker Alan Cayetano kaya umano tayo napahiya.
Noong Mayo 2018, nangako ang Pilipinas na magho-host ng pinakamalaking SEA Games sa kasaysayan na may 56 sports at 530 events na isasagawa sa Subic, Clark, Metro Manila at Southern Luzon.
Pero harapin natin ang katotohanan na ang pagho-host ng sporting event ay hindi madali lalo na kung hindi mula sa industriya ng sports ang mga mangangasiwa nito.
Ano’t anuman, very presidentiable ang ginawa ni President Duterte na paghingi ng paumanhin sa mga dayuhang delegado kaugnay ng mga aberya na nangyari habang papalapit pa lang ang SEAG.
Dapat papurihan din ang Pangulo sa pagtawag niya ng imbestigasyon sa mga aberya at kapalpakan. Pero dapat isagawa ang pagsisiyasat kapag tapos na ang mga palaro.
Gayunman, masasabing tama si Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi dapat i-clear agad ng Pangulo si Cayetano o ang sino mang opisyal nang hindi pa nagsisimula ang imbestigasyon.
Sa ngayon, dapat gawin natin ang lahat ng magagawa upang maipakita at maipadama sa mga dayuhan ang ipinagmamalaki nating Filipino hospitality at masuportahan nang buo ang mga atleta natin.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.