FIRING LINE: Bigyan ng pansin

0
603

By Robert B. Roque, Jr.

Para kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo ay hindi na dapat bigyan ng pansin ang pinakabagong insidente na malapit sa Scarborough o Panatag Shoal na kinasasangkutan ng isang Chinese naval warship na sinasabing nang-harass ng Greek oil tanker.

Sa isang pulong balitaan sa Thailand ay sinabi ni Panelo na hindi dapat pansinin ang insidente dahil ang sangkot ay hindi naman barkong Pilipino.

Nakalimutan ba ni Panelo na kahit Greece ang may-ari ng oil tanker na “Green Aura” at ang dala nitong bandila ay Liberian, ang crew naman nito ay pawang mga Pilipino?

Noong Setyembre 30, patungo raw ang oil tanker sa Longkou, China nang makasalubong ang isang Chinese naval warship na nag-utos na ibahin nila ang kanilang daan palayo sa Scarborough

Kung ganito ang pananaw ni Panelo ay taliwas naman ang sa maritime law expert na si Jay Batongbacal na naniniwalang hindi dapat manahimik ang Pilipinas sa harap ng alegasyon ng hurisdiksyon umano ng China sa Scarborough Shoal.

Sa katunayan, dapat nga raw tumigil na si Panelo sa pagsasalita ukol sa mga isyu na may kaugnayan sa foreign policy. Para sa kaalaman ng lahat, naganap ang insidente 120 milya lamang ang layo sa Subic Bay.

Kung patuloy tayong mananahimik sa claim ng China ng hurisdiksyon sa isang barkong Griyego ay parang pagpapakita na rin sa Greece at sa buong mundo dahil sa publisidad na tayo ay sumasang-ayon sa sinasabi ng China.

Parang sinasabi umano natin na ang Pilipinas ay walang pakialam na nasa ilalim ng China ang hurisdiksyon ng Scarborough. Ito ay parang isang tao na hindi nagpapahalaga na ang bahay niya ay pinangangasiwaan ng ibang tao na nagsasabing siya ang may-ari nito, at pinaniniwala ang iba na siya ang totoong may-ari.

Kahit na barkong Griyego ang oil tanker, dapat pa rin itong bigyan ng pansin ng ating bansa dahil umaasa ito sa mga dayuhang barko para sa international trade.

Ang kalayaan sa paglalayag sa karagatan ay dapat maging alalahanin ng bawat bansa na sangkot sa kalakalan, lalo na ang isang archipelago na tulad ng Pilipinas.

Ngunit ang ginagawa ng China ay patuloy na sumisira sa kalayaang ito at kinalaunan ay magsisilbing banta sa pangkaragatang interes ng ating bansa.

Kung ating maaalala, sa desisyon ng United Nations arbitral tribunal noong 2016 ay idineklarang ang Scarborough Shoal ay traditional fishing grounds.

Pero sa kabila ng desisyon ng UN, patuloy na nilalabag ng China ang karapatan ng mga Pilipino na makapangisda sa lugar sa kanilang pagbabawal na makapasok ang ating mga kababayan sa naturang teritoryo.

At ngayon, pinaghihigpitan din nila ang ibang bansa na makapaglayag sa lugar?

                                        *              *              *                            

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here