By Robert B. Roque, Jr.
Dapat siyasatin nang husto ang kontrobersyal na pagkakapaslang kay Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro, pati na ang kanyang police escorts, dahil napatay ito habang nasa kustodiya ng kapulisan.
Sinasabing nakatanggap ito ng mga pagbabanta sa buhay mula sa organized crime bago ito pinagbabaril.
Sinisilip din ng binuong Special Investigation Task Group Navarro ang anggulo na pinaslang ang biktima sanhi ng droga dahil pangwalo ito sa Misamis Occidental drug watch list ni President Duterte.
Bukod sa droga, sisilipin din ng kapulisan ang anggulong pulitika at negosyo sa pamamaslang. Humingi na rin sila ng kopya ng CCTV sa pinangyarihan ng pamamaril.
Nang mga sandaling naganap ang pamamaslang, patungo sana ito sa Cebu City Prosecutor’s Office para sumailalim sa inquest proceedings sa kinakaharap na kasong slight physical injuries at acts of lasciviousness.
Isang araw bago ito ay naaresto siya dahil sa pambubugbog umano sa isang massage therapist at pangangalap ng sexual favor.
Pero tinitiyak ng kapulisan na walang kinalaman ang pamamaslang sa naganap na pambubugbog dahil may kaso nang nakasampa ukol dito.
Sumandali tayo, wala bang naging pagkukulang sa panig ng kapulisan na nakasasakop sa lugar? Paano ito napaslang in broad daylight? Ayaw kong manisi pero ganyan ba kalayang gumalaw ang mga killer sa lugar ninyo na walang pakundangan kung pumatay?
Nagpahayag naman ang Commission on Human Rights (CHR) na sisiyasatin nila ang pamamaslang bilang drug-related incident at hinihimok ang kapulisan na magsagawa ng masinsinang imbestigasyon.
Alalahanin na nang mapaslang si Navarro, siya ay nasa loob ng van na minamaneho at binabantayan ng mga pulis at nasa harap lang ng Office of the Ombudsman sa Cebu City. Akalain ninyong mahigit 200 kilometro lamang ang layo nito sa bayan na pinamumunuan niya.
Paano natunton ng mga killer ang kinaroroonan ni Navarro? At paano nila pinagbabaril ang alkalde at ang van nang hindi gaanong napipinsala ang mga police escort na nagkaroon lamang ng kaunting tama.
Ginawa ba nang maayos ng mga kasamang police escort na protektahan ang alkalde? Paano mangyayari ito kung totoo ang ulat na hindi man lamang nakapagpaputok ng baril ang mga escort?
Hindi maitatanggi ang katotohanang si Navarro ang ika-13 alkalde na napapaslang mula nang maging Pangulo si Duterte noong 2016. Mukhang wala nang kinatatakutang batas o pagkakakulong ang mga killer na ito.
Mga halang na ang bituka ng mga demonyong ito na nakatakas lamang sa impiyerno para makapaghasik ng lagim sa ating kalupaan.
Wala na bang halaga ang buhay o depende na lamang ito sa presyo na ibinibayad sa mga upahang killer na kanilang kinukuha?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.