Halimaw na hindi mamatay-matay
Bukas magkakaroon na naman ng pagdinig ang Senado patungkol sa mga alingasngas kaugnay ng GCTA at Bureau of Corrections. Nanganak na ng todo ito. Lumalabas sa mga testimonya ng ilang resource persons na isa sa mga sentro ng drug distribution sa bansa ay sa loob ng New Bilibid Prisons.
Bagamat itinatanggi ng sinibak na si BuCor Director Faeldon na naganap ito sa kanyang pamumuno at ganundin si Senador Bato dela Rosa nang kanyang tanganan ang posisyon, hindi mapigilang isipin ng mga Pilipino na patuloy itong nangyayari.
Sa kanyang pagharap sa budget hearing kamakailan, sinabi ni PDEA Director-General Aaron N. Aquino na patuloy ang pamamayagpag ng iligal na droga sa bansa at isa sa mga sentro na kanilang binabantayan ay ang NBP. Ang buong akala natin noon, ‘pag pinamunuan ni Bato — aayos. Ang buong akala natin na sa pagpasok ni Faeldon, mapapatino. Tayo ay umuwing luhaan. Tayong lahat ay nabigo.
Sa pagpasok ni Gerald Bantag sa BuCor, ang standing order lang ng Pangulong Duterte ay huwag mong gawin ang ginawa nila — obviously, referring to Faeldon and his men.
Si Gerald Bantag ay non-conformist. Ano ba ang ibig sabihin nito? Hindi ito sumusunod sa mga kaugalian; hindi sumusunod sa nakasanayan. Palagay ko naman nabalitaan niyo na ang background at mga nangyari sa mga assignment na tinanganan ni Bantag. At ako ay naniniwala na gagawin niya ang nararapat para tumino ang Bilibid. Si Bantag ay miyembro ng Kaagapay Class ’96 ng PNPA. Siya ang unang naging heneral sa klaseng ‘yan.
Sa aking palagay, the President couldn’t have made a better choice. Bagamat, sabi nga natin, ibang klaseng hayop ang New Bilibid Prisons. Maraming nasira sa assignment na ‘yan. Yan ang ating aabangan. Ang dapat talagang gawin sa BuCor para tumino ay isang bagay na “bawal” gawin. Kaya bang gawin yan ni Bantag? Si Bantag ba ang papaslang sa halimaw o baka maging halimaw din siya kalaunan? Abangan.
In the meantime, goodluck sa bagong assignment General Bantag. Pabaon namin sa inyo ang aming suporta at pananalig.