Hindi akma sa ’Pinas
Sa bansang Hapon, ang mga bata sa unang apat na taon nila sa paaralan, ay hindi muna binibigyan ng mga aralin. Ang araw-araw nilang ginagawa duon ay paglilinis ng silid aralan. Ang tawag nila duon ay O-Soji. Ang inuukit kasi nito sa isipan ng bata ay ang paaralan ay espasyo mo, ginagamit mo, kelangan ay linisin mo. Magandang gumalaw sa isang malinis na paligid. Walang bahid ng dumi na natitira sa tuwing tatapusin nila ang trabaho.
Sila-sila rin ang naghahanda at naghahatid ng tanghalian sa kapwa nila estudyante; nagpupunas, nagwawalis, at naglalampaso. Naniniwala ang mga Hapon na pinatitibay nito ang kumpiyansa sa sarili ng bata. Kapag merong matitinding gawain, tinutulungan sila ng kanilang mga titser. Ang ganitong klase ng practice ay naghahanda sa mga Hapon sa mga pagsubok ng buhay habang sila ay lumalaki at tumatanda. Sa kanilang pakikisalamuha sa tao, alam na nila ang normal at maayos na pakikitungo sa kanilang kapwa. Mahalaga sa kanila ang character building habang bata pa lamang. Once you build character, ang ibang bagay at magsusunud-sunod na.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Representative Evelina Escudero, bawal ng mag-uwi ng aralin sa bahay. Bawal na rin na magdala ng mga libro sa bahay na pampagibat sa kanilang pisikal na pasanin. Ang punto ng batas ay para magkaroon ng quality time sa pamilya ang mga bata.
Payag ako na ang no-homework policy ay ipatupad sa Kinder hanggang Grade 3 gaya ng ginagawa sa Japan. Ang unang apat na taon sa iskuwelahan ay dapat ituon sa pagbuo at pagpapatatag ng karakter ng isang bata. Pero, Grade 4 onwards, ang no-homework setup, sa aking munting pananaw, ay hindi magiging epektibo.
Narito ang ilan sa mga kadahilanan kung bakit:
Una, sa pampublikong paaralan na karamihan sa mga magaaral ay mahirap at walang kakayahan na makabili ng mga reading materials gaya ng libro, mainam na maiuwi nila ang mga libro sa mula sa eskuwelahan para makapagbasa. Hindi rin makatotohanan ang quality time para sa mga mahihirap na pamilya dahil kadalasan, wala naman silang inaabutan na kapamilya sa bahay. Kailangang kumayod ng parehong magulang dahil mababa ang minimum wage. Dahil dito, magandang pagbaunin sila ng aralin sa bahay kesa naman tumambay at mabarkada pa sa masama. Baka mapa-droga pa ang bata.
Sa pribado, pwede siguro dahil kaya nilang magpundar ng reading materials. Pero kadalasan, parehong career people ang magulang at nagtatrabaho. Ang iba nga ay umuupa pa ng tutor sa tapat ng eskuwela to buy time, para hindi masyaong maghintay ang mga bata bago masundo sa takdang oras ng magulang. ’Pag binigyan mo sila ng libreng oras dahil wala silang assignment, gagamitin lang nila ang oras na ’yan sa pag-ga-gadget.
Mas mainam ang panukala ni Quezon City Representative Alfred Vargas na sa weekend, bawal magpa-uwi ng aralin. Tuwing weekend lang, lubos at tunay na nagkakaroon ng bonding ang buong pamilya.
Ikalawa, ang pagpapagawa ng aralin sa bahay ay isang paraan ng pagtuturo na rin ng disiplina sa kanila na ang edukasyon ay hindi lang natatapos sa paaralan. Ito’y paraan ng pagtuturo na kapag ikaw ay binigyan ng assignment, kailangan tapusin sa workplace man ’yan o sa bahay. Ang paghubog sa kaalaman ay hindi lang nakukuha sa paaralan, kundi tuluy-tuloy na proseso. Life is a continuing learning experience.
Marangal ang hangarin ng panukala ng kamara. Pero sa isang developing country gaya ng Pilipinas, hindi pa napapanahon ang ganitong klase ng panukala.