Patakaran ng GCTA ayusin
Hanggang ngayon ay sadyang napakainit na paksa ang sinasabing posibleng paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na nakapiit sa Bureau of Corrections (BuCor) matapos mahatulan sa rape at murder.
May mga opisyal ng gobyerno na nagsasabing dapat mapalaya si Sanchez kung ito ay batay sa batas. Pero mayroon din kumokontra rito.
Saan nga ba ibinabatay ang desisyon na palayain ang isang preso? Lahat ay nakasalalay sa pagbibilang ng BuCor ng good conduct time allowance (GCTA) ng mga preso lalo na sa nahatulan sa mabibigat na kaso.
Nauna nang nagpahayag si Justice Secretary Menardo Guevarra na posibleng mapalaya si Sanchez batay sa Republic Act 10592 noong 2013 dahil sa GCTA.
Bigla nga lang nagbago ang ihip ng hangin matapos magalit ang sambayan sa naturang pagpapalaya at inutos niya ang masinsinang pagrerebyu at muling pagbibilang ng GCTA ng mga sentensyado. Sinabi rin ni Guevarra na hindi kuwalipikado si Sanchez sa GCTA dahil sinentensyahan siya sa heinous crimes.
Sa namimintong paglaya ni Sanchez ay mukhang may malaking dahilan talaga para rebyuhin ang mga patakaran na kanilang sinusunod sa pagbibigay ng GCTA sa nakakulong.
Dapat alalahanin na hindi lahat ng sentensyado ay dapat bigyan ng laya lalo na kung ang paglabas nila ng kulungan ay posibleng magpanumbalik sa sakit, hilakbot at kawalan ng hustisya na dati nang nadama ng mga kaanak bago makulong ang kriminal.
Isipin na ang isang pagkakamali sa kalkulasyon ay puwedeng maging daan sa pagpapalaya ng maling tao. Walang kabutihan ng asal ang makapagbubura sa kahayupang ginawa ng mga pusakal na kriminal sa kanilang mga biktima o sa sakit na ipinadama nila sa mga kaanak ng mga ito.
Si Sanchez ay sinentensyahan noong 1995 sa seven counts ng reclusion perpetua o pitong habambuhay na parusa na 40 taon bawat isa dahil sa pamamaslang kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez na mga estudyante ng University of Los Baños. Si Sarmenta ay natuklasan sa pagsisiyasat na ginahasa pa pala.
Bukod dito, si Sanchez ay nahulihan ng marijuana sa loob ng kanyang kubol at shabu na nakatago sa loob ng imahen ng Mama Mary. Ito ba ang pagpapakita ng magandang asal?
May nagsasabi na retroactive ang batas kung ito ay mabuti at mapapaboran ang mga dati nang sentensyado. Pero mayroon din nagsasabi na para lang iyon sa mga nasentensyahan matapos maipasa ang batas.
Ano ang garantiya na ang pagbibilang ng taon na binuno sa loob ay hindi mahahaluan ng korapsyon at pang-aabuso? Dapat din linawin kung ano ang krimen na puwede sa GCTA. Ang mga hinatulan ng double-life o triple- life ay hindi dapat maisali.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet @Side_View. Basahin ang bago at nakaraang isyu ng kolum na ito sathephilbiznews.com
——————
Editor’s Note: Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin’s tabloid TEMPO in 1983. In 1989, at age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, the online news site Beyond Deadlines, and now for THEPHILBIZNEWS.COM. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012. His column appearing here regularly will be written in Filipino on Tuesdays and in English on Thursdays.