Kabataan ang pag-asa ng bayan
Sa ngayon, ang police to population ratio ay 1:505. Ibig sabihin merong 1 pulis para sa 505 mamamayan. By 2022, ang ratio ay magiging 1:489 pag nakumpleto ang pagkuha ng sampung libong panibagong pulis sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Balak ni Senador Ronald dela Rosa na magpanukala ng batas na magpapahintulot sa mga pulis at sundalo na makapasok sa mga campus para “ma-indoctrinate” ang mga estudyante. Kanyang ipinanukala ito sa harap ng mga balita na masidhi ang pag-recruit ng NPA (New People’s Army) sa mga estudyante sa mga eskwelahan. Ang pagpapahintulot sa mga pulis at sundalo na makapasok sa campuses at makapangaral sa mga estudyante ang nakikita niyang pangontra sa ginagawa ng mga NPA.
Sa mga nakalipas na taon, sabi ni “Bato,” nasa mahigit limandaang kabataan na ang nanu-neutralize ng pamahalaan na mga estudyante na namundok at nag-armas laban sa gobyerno. Mahigit limandaan. Hehe. Wala pa hong .0001 percent ng ating populasyon.
Kumbaga, maliit na problema lamang kumpara sa droga. Tapos balak mong kumuha ng pulis na dapat nasa kalsada at nanghuhuli ng mga adik na kriminal at halang ang bituka, para mangaral sa mga estudyante. Eh, ’yun ngang drug problem hindi maresolba, makakabawas ka pa?
Kung mangangaral ang mga pulis at sundalo sa peligrong dinudulot ng droga, baka matuwa pa tayo. Pero dahil sa problema ng insurgency? Ilan na lang ba ang NPA? Sabi ng militar hindi na raw aabot sa sampung libo. Ilan ang mga drug dependents? Tatlo hanggang anim na milyon?! If there’s any indoctrination that they need to do sa mga estudyante — ’yan ay ang turuan silang umiwas sa iligal na droga.
Payag ako na magkaroon ng indoctrination sa mga estudyante kaugnay ng problema ng insurgency but it should not come from the police and the soldiers. Napupulitika sila pag ganyan. Ang mga pulis at sundalo ay dapat insulated from politics. Kung meron mang dapat na magturo ng peligro ng pamumundok at pagaarmas laban sa gobyerno, ito ay marapat na manggaling sa mga educators.
Ang isang gobyerno na gumagawa ng tama sa mas nakararami niyang mamamayan ay hindi dapat matakot na pagaklasan ng kabataan. Kung may NPA na makukumbinsi silang mamundok, eh ’di hayaan natin. Huwag lang siyang mamamaril ng mga sundalo’t pulis dahil meron siyang kalalagyan. Patnubay pa rin ng magulang ang mahalaga para ang kanilang mga anak ay hindi maligaw ng landas. Hayaan natin ang ating mga kabataan na magdesisyon if his government is worth it or not.
Sa balak na ito ni Senador Bato dela Rosa, lumalabas na ang kabataan ang “kaaway” ng bayan at hindi consistent sa kasabihang ang “kabataan ang pag asa ng bayan.”
May nakapagsabi, ang pinakamahirap na gawin sa buhay ay matutunan kung anong tulay ang dadaanan at kung ano ang susunugin. Hayaan natin ang ating mga kabataan na tuklasin ang daan na kanilang tatahakin. Sa maayos na patnubay ng magulang, gagawin natin silang matatag at maging handa sa mga pagsubok ng buhay. ’Pag nagawa natin’yan, dun lang natin pwedeng paniwalaan na sila ang pag-asa ng mas maayos na bayan.