Kontra dengue
Isa pala sa pinakamatinding panlaban upang masugpo ang mga lamok na nagdadala ng dengue ay lumalangoy lamang sa ilalim ng tubig at itinuturing pang peste ng ibang mangingisda.
Ayon kay Roberto Garcia, isang marine expert na nagpapalaganap ng organic bangus o milkfish, ito ay walang iba kundi ang mosquito fish na kilala rin bilang tuyong, at kumakain ng larvae ng lamok.
Akalain ninyong kadalasan pala ay nilalason lang ng mangingisda ang tuyong dahil nakikipagkumpetensya ang mga ito sa bangus para sa pagkain.
Gayunman, tinukoy ni Garcia na ang tuyong ay puwedeng ilagay sa mga kanal at mga karagatan kung saan nagpaparami ang mga lamok na may dengue.
May malaking potensyal daw ang tuyong upang makontrol ang mga lamok na may dalang dengue dahil ito ay marami, libre, hindi nakasisira ng kalikasan at napatunayang epektibo.
Ang tuyong ay tinawag daw na mosquito fish dahil sa kakayahan nitong kumain ng larvae ng lamok bilang bahagi ng diet nito. Ang ibang mga bansa tulad ng United States ay isinusulong ang mosquito fish bilang biological weapon laban sa mga insekto na may dalang sakit.
Nakita raw sa mga pag-aaral na ang biological control sa produksyon ng mga lamok sa mga kanal at karagatan ay napatunayang epektibo at naging kritikal na bahagi ng mga programa upang mapuksa ang mga lamok.
Nakita raw mismo ni Garcia kung gaano kaepektibo ang tuyong bilang instrumento laban sa mga lamok sa kanyang fishponds. Libu-libong larvae daw ng mga lamok ang lumalaki nang walang kontrol sa mga fishpond pero naglalaho matapos makapaglagay ng tuyong dito.
* * *
Nagpahayag naman si Doctor Westly Rosario na ang tuyong na mukhang anchovy, may malapilak na balat at buntot na parang pamaypay, ay ipinakilala hindi lamang sa mga karagatan ng bansa kundi pati na sa buong mundo noong 1900s upang makontrol ang malaria. Ang babaing tuyong ay kadalasan umanong mas malaki sa lalaki at may malaking tiyan.
Malamang ay nakalimutan daw ng mga opisyal ng kalusugan na may tuyong sa Pilipinas, ayon pa kay Rosario na hepe ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources’ National Integrated Fisheries Technology and Development Center.
Karamihan daw ng mga isda tulad ng tilapia ay kayang makontrol ang pagdami ng lamok pero ang tuyong ay tamang tama sa kanal, dagdag pa ni Rosario.
Sa lumalalang problema ng dengue sa bansa kung saan libu-libo na ang kawawang tinamaan at naging biktima, sang-ayon ang Firing Line na ang bawat paraan ay dapat gamitin upang mapigilan ito. Sa Asya nga raw ay tayo ang may pinakamalaking bilang ng mga nasawi sa dengue.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.