Pagtanggap ng regalo, bawal sa mga taga-gobyerno
Hindi niyo ba napapansin sa mga opisina ng gobyerno — walang nakapaskil na Ten Commandments? Kung tutuusin, dapat meron. Pero bakit wala? Naglilikha kasi ito ng hostile o galit na kapaligiran ’pag naglagay ka doon ng “huwag kang magnanakaw,” “huwag kang makiki-apid,” at “huwag kang magsisinungaling” sa isang lugar na puno ng mga abogado at politiko.
Tama ho si Civil Service Commissioner Aileen Lizada na merong mekanismo na kailangan sundin sa ilalim ng batas. Ito po ay ang Republic Act 6713 which is the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, as well as Republic Act 3019, the Anti-Graft and Corrupt Practices Act. RA 6713 prohibits public officials from soliciting or accepting gifts directly or indirectly.
Ganumpaman, sabi ni Lizada, Congress made some exemptions such as in the case of a gift received as a souvenir or as a mark of courtesy, scholarship, fellowship grants or medical treatments from foreign governments.
Lizada also cited Memorandum Circular (MC) No. 2016-002 of the Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinagbabawalan ang mga pulis na tumanggap ng regalo. Ang sinumang mahuhuli at irereklamo ay sasailalim sa imbestigasyon ng PNP Internal Affairs.
Sa ilalim ng Section 1, Item 3 ng memorandum circular, kinukunsiderang matinding pagkakasala kapag ang pulis ay tumanggap ng bayad, regalo at iba pang bagay na may halaga sa pagganap ng kanilang trabaho para magbigay sila ng maganda at mas maayos na pagtrato.
Ang mga lalabag ay mahaharap sa reprimand, pagbawi ng mga benepisyo, restrictive custody, pagtigil ng suweldo, suspensiyon, demosyon o ’di kaya ay dismissal sa serbisyo.
Pwede naman sigurong tumanggap ng regalo, huwag ka lang papahuli. Kasi ’pag nahuli ka, mananagot ka sa batas. Matagal na natin ipinapayo sa mga law enforcement personnel na ang Pangulong Duterte ay madalas maugnay sa maling senyales; maling mensahe. Napatunayan na ’yan sa kanyang war on drugs. Maraming mga pulis ang nagpatupad ng batas ng labis sa itinatakda nito. Ang resulta, maraming mga pulis ang nasampahan ng kaso. Halimbawa na lamang diyan ay ang kaso ng pagpatay kay Kian delos Santos kung saan napatunayang guilty at nakakulong ngayon ang tatlong pulis. Hanggang 2022 lamang ang termino ni Pangulong Duterte. Kayo, matagal pa ang ipaglilingkod ninyo sa bayan. Huwag ninyong sayangin dahil sa maling mensahe.
Wala hong exemption sa batas. Ang sabi sa batas, bawal kang tumanggap ng regalo, directly or indirectly. Maski na pangulo ng bansa ay hindi pinapayagan ng batas na lumabag dito. Ergo, bilang ama ng bansa, ang Pangulo ay hindi lang marapat na maging halimbawa ng malinis na paglilingkod sa bayan, kundi siya ay inuutusan ng batas na maglingkod nang malinis at magtakda ng mataas na panuntunan ng propesyunalismo.