Pagbabalik ng isang bangungot
Para sa maraming tao, maituturing na pagbabalik ng isang bangungot kapag natuloy ang naulat na pinag-iisipan ni President Duterte na ibalik ang binansagang killer bakuna umano na Dengvaxia.
Batid ng lahat na ang Dengvaxia ay bakuna na nilikha para ilaban sa dengue. Pero naging kontrobersyal ito nang aminin noon ng Sanofi Pasteur na lumikha ng droga na puwede itong maging mapanganib at makapagbibigay ng mas grabeng sintomas sa hindi pa nagkakaroon ng dengue.
Makalipas ang halos isang taon ay permanenteng ni-revoke ng Food and Drug Administration ang certificate of product registration ng Dengvaxia. Umapela ang Sanofi sa desisyong ito.
Hindi maitatanggi ang katotohanan na nagdeklara na ng outbreak o epidemya ng dengue sa maraming lalawigan sa bansa kamakailan at daan-daan na ang nabiktima nito.
Dahil dito ay pinag-iisipan tuloy ng gobyerno na ibalik ang naturang bakuna pero ito ay batay sa magiging desisyon ng mga eksperto.
Gayunman, tiniyak ng Malacañang na sa pag-aaral na isinasagawa ng gobyerno para ibalik ang Dengvaxia ay isasantabi ang pulitika at hindi ito mamadaliin.
Ayon nga kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi raw uupuan ng Administrasyon ang sitwasyon kung may problema sa kalusugan na dapat maresolba. Mag-iingat daw nang husto ang gobyerno at ikukunsidera ang opinyon ng World Health Organization sa posibleng pagbabalik ng Dengvaxia.
Kung mapatutunayang epektibo ang naturang bakuna sa mga nagkaroon na ng dengue sa nakalipas, magiging malaking tulong kapag ginamit ito upang mapababa ang bilang ng kaso ng dengue sa bansa.
Ano nga ba ang tunay na dahilan kaya kumalat ang dengue sa kasalukuyan? Marahil, ito ay bunga na rin ng pangamba ng karamihan sa bakuna, partikular na sa Dengvaxia. na panlaban sa dengue.
Dahil sa takot sa Dengvaxia at ibang bakuna, mula 70 porsyento sa mga nakalipas na taon ay bumaba ang bilang ng mga nagpapabakuna sa 40 porsyento sa nagdaang taon.
Ilang kaso na rin ang naisampa dahil sa sandamakmak na nasawi matapos maturukan ng Dengvaxia pero wala pang napatutunayan na ito ang dahilan ng kanilang pagyao.
Ang isyu ng Dengvaxia ay tunay na sensitibo kaya kakailanganin ng masinsinang pag-aaral at labis na pag-iingat kung ibabalik ito at hahayaang magamit muli ng mamamayan, lalo na ng ating mga kabataan.
Hindi dapat balewalain kailan man ang mga pinaniniwalaang nasawi bunga ng bakunang ito dahil tulad ng ilang ulit ko nang tinukoy, ang buhay ay sagrado at walang katapat na halaga. Panagutin ang mga may sala sa kapabayaang ito.
At kung maaari, tulungan sana ng gobyerno ang kawawang pamilya ng mga nasawi sa trahedya ng buhay na kanilang sinapit.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.