Pinatatakbo ng mga halimaw
Naghahanda ang Beijing para mahinto na ang ilang buwan na ring mga demonstrasyon na nangyayari sa hongkong. Naghahanda sila ng mga pulis at sundalo na ang tanging mensahe na gustong ipahatid sa mga protester ay ganito: “Tumigil na kayo ng kapoprotesta kung ayaw ninyong dumanak ang dugo. Tumigil na kayo kung ayaw ninyong maulit ang Tiananmen Square Massacre.
Ang pagtingin pa ng Beijing sa mga protestang ito ay paguudyok ng mga Amerikano at pangingialam ng mga dayuhan sa panloob na usapin ng China. Hindi ito makita ng Beijing bilang kagustuhan ng mga Hongkong Chinese people na manatiling malaya gaya ng kanilang karanasan sa ilalim ng pamumuno ng mga Inggles.Â
Bagamat maliit na lamang ang communist influence sa China magmula nang tinanggap ng world economy ang komunistang bansa, ang buong pagaakala ay tatalikuran na nila ito ng tuluyan. Nagkamali ang mundo sa pananaw na ito.Â
Magmula nang maupo bilang “president-for-life” si Xi Jin Ping nuong 2013, hindi kailanman pinayagan ng partido komunista ng China ang anumang paghamon sa liderato nito.Â
Ang simbahan ng mga Katoliko doon ay sinisira’t ginigiba; at ang mga mananampalatayang katoliko ay ikinukulong. Bagamat kabahagi na sila ng free trade, malaya ang komersiyo, pero kailanman ay hindi nagkaroon ng malayang mamamayan duon.Â
Ang Cagayan Economic Zone Authority o CEZA ay pumasok sa kasunduan sa isang Chinese company na siyang magde-develop ng tatlong isla sa Pilipinas — ang Grande at Chiquita Islands sa Subic at Fuga Island sa Cagayan.
Ang Philippine Navy ay nagbigay ng babala sa pagpapaubaya sa mga dayuhan ang mga islang merong istratehikong kahalagahan sa depensa ng bansa. Kulang na lang na sabihin ng Navy na hindi nito sukat akalain na papasok ang pamahalaan sa kasunduang maglalagay sa alanganin ng ating depensa sa ngalan ng TURISMO.
Ang halaga ng kasunduang ito ay 2 bilyung dolyar = 100 bilyung piso. Napakamura talaga ng Pilipinas sa mata ng mga Pilipinong opisyal ng pamahalaan. Ito ay masidhi dapat na tutulan ng mga Pilipino.Â
Mahihirapan na po tayong bawiin, bagamat hindi pa rin dapat na isinusuko, ang mga teritoryong nakamkam na ng mga Tsino dahil sa kapabayaan ng nakaraan at kasalukuyang gobyerno. Pero huwag naman nating ibenta ng tuluyan ang ilan pang teritoryong nalalabi sa atin.
Labis na ikinatuwa ng mas nakararaming Pinoy ang desisyon ng Pangulong Duterte na gamitin ang UN Arbitral Tribunal decision bilang barter para igiit sa China ang ating teritoryo. Dapat nuon pa ito ginawa, Ginoong Pangulo. Huli man daw ay naihahabol pa rin. Salamat, Mr. President.Â
Maaaring maging mahirap para sa Administrasyon na pasakan ng tapon ang agos ng ganansiya mula sa China; pero sa pangmatagalan, ang Pilipinas ay hindi kailanman mananalo sa pakikipagkomersiyo sa isang bansa na pinatatakbo ng mga mapanlamang; pinatatakbo ng mga halimaw.