Parusang kamatayan
Marami ang nagulat nang muling himukin ni President Duterte ang mga mambabatas ng 18thCongress sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) kamakailan na ibalik ang parusang kamatayan hindi lamang para sa mga krimen na may kaugnayan sa ilegal na droga kundi pati na sa pandarambong.
Ayon kay Duterte ay nananatiling laganap ang droga dahil nakakabit ito sa isyu ng katiwalian. Kung hindi mabubura ang korapsyon ay patuloy umanong mamamayagpag ang droga sa kabila ng masinsinang kampanya laban dito.
Tinukoy niya ang mga nakatanggap ng pinakamaraming reklamo sa Contact Center ng Bayan bilang Land Transportation Office, Social Security System, Bureau of Internal Revenue, Land Registration Authority at Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG.
Sa katunayan ay hinikayat pa ni Duterte ang publiko na manampal, mag-iskandalo at magreklamo kapag nabiktima sila ng katiwalian.
At kung katiwalian ang paksa, sino ang makalilimot sa Bureau of Customs na hindi lang naisyu na kaakibat ng katiwalian kundi nagpalusot ng ilegal na droga sa gate nito?
Maaalalang isinulong din ng Pangulo na maibalik ang parusang kamatayan sa ilalim ng ika-17 Kongreso kaugnay naman ng kanyang inilunsad ng digmaan laban sa droga. Bagaman pumasa ito sa House of Representatives ay nanatili itong naka-pending sa Senado.
Kaya sa kabila ng katotohanang ang karamihan ng mambabatas ay kanyang kaalyado ay walang katiyakan na papasa ang panukala sa pagkakataong ito.
Ayon nga kina Senators Aquilino Pimentel III at Ronald “Bato” dela Rosa ay susuportahan nila ang panukala kung lilimitahan ito sa mga krimen na may kaugnayan sa droga, at hindi kasama ang plunder.
Bukod dito, ano ang katiyakan na ang pagpapatupad ng parusang kamatayan ay sapat na para matakot at tumino ang mga kriminal sa paggawa ng krimen, lalo na ang mga nakadroga?
Hindi ba’t ilang ulit na nauwi sa barilan at patayan ang buy-bust operations ng kapulisan dahil ang hinuhuli nila ay armado rin umano, handang lumaban nang patayan at hindi pahuhuli nang buhay?
Alalahanin na karamihan ng mga kriminal na pusakal at halang ang bituka ay hindi natatakot mamatay. Mas gugustuhin pa nga nilang makipagpatayan kaysa magpahuli at makulong sa likod ng rehas na bakal.
Kung isasama naman ang pandarambong sa parurusahan ng kamatayan, hindi kaya ito magamit at abusuhin lamang ng mga pulitiko para tuluyang mawala sa kanilang landas ang mga kalaban sa pulitika?
Higit sa lahat, ang buhay ay sagrado at hindi puwedeng wakasan ng sino man kahit magtago sila sa likod ng batas. Ano ang katiyakan na ang parurusahan ng kamatayan ay tunay na guilty at hindi napag-initan o na-frame up lamang?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet @Side_View. Basahin ang bago at nakaraang isyu ng kolum na ito sa thephilbiznews.com
——————
Editor’s Note: Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin’s tabloid TEMPO in 1983. In 1989, at age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, the online news site Beyond Deadlines, and now for THEPHILBIZNEWS.COM. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012. His column appearing here regularly will be written in Filipino on Tuesdays and in English on Thursdays.