FIRING LINE by Robert B. Roque, Jr.

0
856

Pagtupad sa pangako

Bagaman kauupo pa lang sa puwesto ni Manila Mayor Isko Moreno ay walang humpay na ang pag-aksyon nito bilang pagtupad sa pangako na binitiwan niya sa mga botante noong panahon ng kampanya na lilinisin niya ang Maynila.

Kaya sinuyod niya ang iba’t ibang sulok ng Divisoria tulad ng C.M. Recto, Juan Luna, pati na ang Quiapo, Santa Cruz, at Blumentritt at pinalayas ang mga illegal vendor sa isinagawang clearing operations.

Umapela si Moreno sa mga vendor at sinabing anim na taon na nilang napakinabangan ang mga kalye ng lungsod. Panahon na raw upang mapakinabangan naman ng mga mamamayan ng lungsod ang mga kalsada.

Kaya todo rin ang kayod ng kanyang kapulisan sa Manila City Hall, ang Special Mayor’s Reaction Team (SMART) na pinamumunuan ni Chief Inspector Rosalino Ibay Jr., sa pagpapatupad ng kanyang mga ibinibilin.

Bukod sa walang tigil na clearing operations, kamakailan ay hinuli nila sina Vilma Cortez at Jeffrey Solomon, ang dalawang nangingikil sa mga vendor sa kanto ng Blumentritt at Felix Huertas streets na kakasuhan ng robbery/extortion.

Pati ang illegal gambling ay hindi pinalulusot ng alkalde. Patunay na rito ang 75 makina ng video karera na kanilang winasak kamakailan sa Manila City Hall.

Bahagi rin ng kampanya noon ni Moreno ay ang pagpapanumbalik sa mga heritage site, kabilang na ang mga park at museum.

Kaya naman kamakailan ay biglaan siyang bumisita sa Ongpin St. sa Binondo at iniutos ang pag-demolish sa isang barangay hall na ginawang imbakan ng mga gamit na pamatay-sunog sa likod ng monumento ng Filipino-Chinese businessman na si Roman Ongpin.

Gamit ang isang maso ay pinukpok ng alkalde nang paulit-ulit ang barangay hall. Pinahatak din niya ang isang firetruck ng Filipino Chinese Binondo Fire Prevention Association Incorporated na nakaparada sa tabi ng barangay hall at nakabalagbag sa daanan.

Patunay ito na walang sinisino ang alkalde sa pagtupad sa kanyang mga pangako sa mga Manileño. Hindi raw niya hahayaang babuyin nino man ang mga lansangan at heritage site na nagbibigay ng pagkilala sa mga tao na nakagawa ng kabutihan noong unang panahon.

Tunay na napakaganda ng mga pinagsisikapang gampanan ni Mayor Isko. Pero kapag dumumi at napuno muli ng mga paninda at nagtitinda ang mga lansangan na kanilang pinaluwag ay isipin na lang daw ng mga tao na nalagyan ang alkalde.

Kung ibang alkalde ang nakaupo, malamang ay nasilaw sa alok na P5 milyon kada araw upang abandonahin ang kampanya laban sa illegal vendors. Hindi biru-biro ito pero sa halip na magpadala sa nakatutuksong alok ay lalo siyang naghigpit sa vendors na nagpapasikip sa lansangan.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet @Side_View. Basahin ang bago at nakaraang isyu ng kolum na ito sa thephilbiznews.com

——————

Editor’s Note: Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin’s tabloid TEMPO in 1983. In 1989, at age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, the online news site Beyond Deadlines, and now forTHEPHILBIZNEWS.COM. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012. His column appearing here regularly will be written in Filipino on Tuesdays and in English on Thursdays.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here