Pakikipagtulungan
Tama ba na makipagtulungan ang Pilipinas sa China sa pagsisiyasat sa pagkakasalpok at pagpapalubog ng Chinese vessel sa isang nakaangklang bangkang pangisda ng mga Pilipino malapit sa Recto Bank sa may West Philippine Sea?
May mga hindi sumasang-ayon sa isang joint probe kabilang na si Senator Ping Lacson, na naniniwalang ang pakikipagtulungan sa China sa pagsisiyasat ay posibleng mangangahulugan na isinusuko natin ang karapatan sa pagmamay-ari ng Recto Bank.
Binanggit ng senador na maliwanag na nakasaad sa desisyon ng Hague noong 2016 na ang Recto Bank ay bahagi ng 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng ating bansa kaya hindi puwedeng angkinin ng China.
Walang masama sa pakikipagtulungan kung ito ay bukal sa puso at walang ibang inaasahang magiging kapalit, lalo na kung teritoryo natin sa dagat ang nakataya.
Ang naturang reaksyon ni Lacson ay bunga ng pagtanggap ni President Duterte sa alok ng gobyerno ng China na magsagawa ng joint investigation sa naganap na kasama ang iba pang bansa bilang third party.
Bagaman mahalaga ang pagpapanatili ng malapit na ugnayan sa China para na rin sa ikauunlad ng bansa, huwag sana natin kalilimutan na higit na mahalaga ang isyu ng soberanya at integridad sa teritoryo.
Kung matutuloy man ang sinasabing pinagsamang pagsisiyasat ay dapat malinaw sa simula pa lamang kung sino ang tunay na nagmamay-ari sa Recto Bank nang walang pagdududa.
Pero paano mangyayari ito samantalang nagpahayag ang Pangulo kamakailan na naniniwala raw ang China na sila ang may-ari ng West Philippine Sea?
Kung tutuusin ay kalabisang pang-aabuso na ito. Hindi na tinantanan ng ilang Tsino ang pambu-bully at pang-aapi sa mga Pinoy na mangingisda.
Maging ang ilang miyembro ng Chinese Coast Guard ay nakuhanan ng video habang nagpapakita ng kagaspangan ng ugali at pagiging buwaya nang akyatin nila ang bangka ng ilang mangingisda at angkinin ang kanilang mga nahuli.
May isyu pang lumutang na hindi tunay na mangingisda ang sakay ng barkong bumangga at nagpalubog sa bangkang sinasakyan ng 22 Pinoy sa Recto Bank kundi mga militia o pribadong sundalo na binasbasan ng gobyerno ng China sa kahit anong kabalbalan na kanilang gawin. Kung totoo ito ay may posibilidad na sinadya nga ang naganap na pagbangga.
Anuman ang totoo ay hindi maitatanggi nino man na inabandona ng barkong sumalpok sa bangka ng mga mangingisda ang 22 Pinoy na maaaring nalunod sa laot kundi dumating ang bangka ng mga Vietnamese para sila ay iligtas.
Hindi ito dapat kaligtaan at kailangang panagutan ng mga walang awang salarin. Kung pababayaan sila ay baka ulitin pa ang kawalanghiyaang nagawa. Kawawa naman tayo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet @Side_View. Basahin ang bago at nakaraang isyu ng kolum na ito sa thephilbiznews.com
——————
Editor’s Note: Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin’s tabloid TEMPO in 1983. In 1989, at age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, the online news site Beyond Deadlines, and now forTHEPHILBIZNEWS.COM. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012. His column appearing here regularly will be written in Filipino on Tuesdays and in English on Thursdays.