FIRING LINE by Robert B. Roque, Jr.

0
6144

Patunay

Saan mang anggulo tingnan, ang masaklap na karanasan ng crew na kinabibilangan ng 22 Pilipino ng barko na binangga, pinalubog at inabandona ng isang Chinese fishing vessel sa may Recto Bank ay hindi katanggap-tanggap.

Patunay lang ito ng kalupitan, kahayupan at kawalanghiyaan ng ibang mangingisdang Tsino sa mga Pinoy na mangingisda sa West Philippine Sea.

Nilisan ng F/B Gem-Ver ang Occidental Mindoro noong Mayo 29 at nakatakda sanang manatili sa karagatan para mangisda nang 15 araw. Pero noong Hunyo 9 ay sinalpok sila ng barkong Tsino kaya bumukas ang likuran ng kanilang bangka at lumubog ito.

Akalain ninyong nagpalutang-lutang nang ilang oras ang Pinoy na crew hanggang sa mailigtas sila ng isang barko ng mga mangingisdang Vietnamese. Hindi tulad ng walang kuwentang Chinese fishermen ng bumanggang barko ay nakitang mas may puso ang mga rescuer.

Kinondena ng ating mga kababayan ang kawalan ng awa ng naturang mga mangingisdang Tsino, kabilang na si Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana. Hindi ito nararapat gawin ng mga itinuring na kaibigan ni President Duterte.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay malabong maging aksidente ang naganap na pagbangga. Nalaman na nakaangkla pala ang barko ng mga Pinoy nang biglang banggain sila.

Noong Biyernes ay inamin ng China na nasangkot ang isang barkong Tsino sa insidente. Pero nagpalusot pa ito dahil nagtangka raw lumapit at tumulong ang mga ito sa bangka pero natakot na baka kuyugin ng pito o walong bangkang pangisda ng mga Pinoy na naroon.

Paano mangyayari ito samantalang ayon sa kapitan ng binanggang bangka na si Junel Insigne ay sila lang ng barkong Tsino ang naroroon sa mga sandaling iyon. Walang ibang bangka sa lugar. SIla na nga ang lumubog ay sila pa ang pagbibintangang aatake?

At kung may ibang bangka sa lugar, hindi na sana nagpalutang-lutang nang ilang oras ang mga Pinoy sa dagat bago sila nailigtas ng mga Vietnamese.

Noong Hunyo 2018 ay nakuhanan ng video ang ilang miyembro ng Chinese Coast Guard habang kinukuha ang mga isdang nahuli ng ating mga mangingisda sa Panatag o Scarborough Shoal sa may baybayin ng Zambales.

Nitong nakalipas na Marso ay nagpahayag ang Malacañang na wala raw itong magagawa sa patuloy na pangha-harass sa mga Pinoy na mangingisda na patuloy na itinataboy ng Chinese Coast Guard dahil mas kontrolado ng China ang lugar.

Ilang ulit nang nakaranas ang mga kababayan nating Pinoy ng pagmamalupit mula sa ilang Chinese sa West Philippine Sea. Ang pagbangga nila sa ating barko ay ang pinakahuli sa mga naulat na insidente na dapat lang nilang aminin at panagutan.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here